Home HOME BANNER STORY Mas maayos na serbisyo ipinangako ni PBBM; Bagong Pilipinas Serbisyo Fair inilunsad

Mas maayos na serbisyo ipinangako ni PBBM; Bagong Pilipinas Serbisyo Fair inilunsad

NANGAKO si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa sambayanang filipino na maayos na pagsisilbihan ng kanyang administrasyon ang mga ito.

Umaasa ang Pangulo na ang serbisyong ihahandog ng bagong inilunsad na Bagong Pilipinas Serbisyo Fair ay makatutulong sa publiko sa gitna ng mga pagsubok.

Ito ang inihayag ni Pangulong Marcos habang pinangungunahan ang sabay-sabay na palulunsad ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair sa Nabua, Camarines Sur, araw ng Sabado, Setyembre 23.

Sa naging talumpati ng Pangulo, sinabi nito na pinagsama-sama ang iba’t ibang programa at serbisyo mula sa mga ahensiya ng pamahalaan kabilang na ang paghahatid ng ilang tulong mula sa gobyerno.

“Tinipon namin ang iba-ibang ahensiya ng pamahalaan upang sama-samang maghatid sa inyo ng mga benepisyong magpapagaan sa inyong mga kalagayan,” ayon sa Pangulo.

“Asahan po ninyo na patuloy naming pagbubutihin ang aming paglilingkod sa bayan,” dagdag na wika nito.

Ang two-day Serbisyo Fair ay hinost ng 75 programa mula sa 29 na ahensiya ng gobyerno. Kabilang sa mga serbisyo at programa na inihahandog ng mga ahensiya ng pamahalaan ay:

• Kadiwa ng Pangulo

• Passport on Wheels

• National ID application

• Driver’s license registration assistance

• NBI at police clearance

“Lahat ito ay pwedeng mag-apply dito upang hindi na ninyo kailangan pang lumayo para magkaroon ng mga ito,” ayon sa Chief Executive.

Idagdag pa rito, namahagi ang Department of Agriculture (DA) ng iba’t ibang farming equipment sa mga magsasaka habang ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) naman ay namahagi ng motor bancas at fish cage packages sa mga mangingisda.
Namahagi rin ang Department of Health (DOH) ng wheelchairs para sa mga may sakit at matatanda.

Samantala, hinikayat naman ni Pangulong Marcos ang lahat na magkapit-kamay at magtulungan na malampasan ang hamon at mapagtanto ang pangarap na “Bagong Pilipinas” (New Philippines).

“Iisa po ang ating hangarin na maisulong ang Bagong Pilipinas na maipagmamalaki nating ipamana sa ating mga anak at sa mga susunod na henerasyon,” ayon sa Punong Ehekutibo.

“Sa tulong ninyo, mapagtatagumpayan natin ang anumang mga hamon sa buhay. Basta’t nagkakaisa, walang pagsubok o kahirapan ang hindi natin kakayanin,” dagdag na wika nito.

Ayon naman sa Malakanyang, ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair ay may layunin na ireplicate o gayahin sa bawat lalawigan para mapabilis ang paghaghatid ng serbisyo ng pamahalaan sa iba’t ibang lugar sa bansa.

“This is just one of several flagship programs and projects being launched under the all-inclusive ‘Bagong Pilipinas’ brand of governance and leadership campaign, highlighting the Administration’s commitment towards the attainment of comprehensive policy reforms and full economic recovery,” ayon sa Malakanyang.

Ang caravan ay idinaos ng sabay -sabay sa Monkayo, Davao de Oro; Tolosa, Leyte; at Laoag, Ilocos Norte.

Previous articleReimbursement ng BI sa gastos ng offloaded passengers, unfair – solon
Next article259 kaso ng rabies naitala ng DOH