Home NATIONWIDE Mas mahabang oras ng botohan sa 2025 midterm polls target ng Comelec

Mas mahabang oras ng botohan sa 2025 midterm polls target ng Comelec

MANILA, Philippines – Sinabi ng Commission on Elections (Comelec) na plano nitong magpatupad ng mas mahabang oras ng pagboto sa midterm elections sa susunod na taon.

Sa isang panayam, sinabi ni Comelec chairperson George Erwin Garcia na ang 5 a.m. hanggang 7 p.m. na panahon ng pagboto ay naglalayong bigyan ng pagkakataon ang mas maraming botante na gamitin ang kanilang karapatang bumoto.

Sa mga nakaraang halalan, ang pagboto ay ginanap mula alas-7 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon lamang.

Noong 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections, ang poll body ay nagpa-pilot ng maagang oras ng pagboto para sa mga taong may kapansanan, mga senior citizen at mga buntis na kababaihan sa dalawang lungsod sa bansa.

Kasabay nito, sinabi ng hepe ng poll body na ang pagboto sa susunod na mga botohan ay maaaring tumagal ng mas mahabang panahon habang ang isang bagong teknolohiya –ang Full Automation System na may Transparency Audit/Count (FASTrAC)– ay gagamitin.

“Magiging mas mahaba ang tagal ng pagboto dahil bago ang mga makina. Kailangan nating ipaliwanag nang maayos ang sistema sa kanila. Maaaring ang iba ay hindi madaling bumoto, ngunit hindi natin sila maaaring itaboy,” aniya.

Ang bagong teknolohiya ay ibibigay ng South Korean joint venture firm na Miru Systems, na nakakuha ng PHP18 bilyong kontrata para sa 2025 polls automation project.

Bukod sa bagong automated election system, sinabi ni Garcia na ang posibilidad ng pagdaraos ng plebisito para sa mga panukalang Charter amendments ay maaari ring pahabain ang oras ng botohan.

Samantala, dadami pa aniya ang mga malls at pampublikong gusali na gagamitin bilang voting centers upang palitan ang mga silid-aralan ng pampublikong paaralan.

“At the same time, sisiguruhin namin na hindi na sa mga elementary schools kundi sa malls na boboto mga kababayan sa buong bansa at ilang public buildings na pwede ma-deputize para hindi na gamit elementary schools na pagkaliliit,” dagdag niya. RNT

Previous articlePanagbenga Festival sinaksihan ng 32,000 katao
Next articleAlamin: Nat’l roads sa NCR na ‘di pwede daanan ng e-vehicles