Home NATIONWIDE Mas maikling araw sa importers sa pagpapatunay ng lehitimong transaksyon, hirit ni...

Mas maikling araw sa importers sa pagpapatunay ng lehitimong transaksyon, hirit ni PBBM

MANILA, Philippines – NAIS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bawasan ang bilang ng araw na ibinigay sa mga importers para patunayan ng mga ito na lehitimo ang kanilang importasyon.

Sa kasalukuyan kasi, may 15 araw ang mga importers para magsumite ng kinakailangang dokumento para patunayan ang legalidad ng kanilang importasyon.

“At sinusubukan natin ngayon bawasan ‘yung 15 days into seven days. Dahil kung legal ka na importer, hawak mo lahat ng dokumento. Pag hinanap sa iyo ‘yan, bibigay niyo kaagad. So, bakit pa 15 days?” ayon kay Pangulong Marcos sa kanyang naging talumpati sa isinagawang pamamahagi ng bigas sa Cavite, araw ng Biyernes, Setyembre 22.

“Sabi ko, baka kung anong mangyari diyan, mailulusot pa nila ‘yan. Kaya’t sabi ko, gawin natin ang lahat para makuha na ng pamahalaan, makuha na ng Bureau of Customs, (BoC),” dagdag na wika ng Pangulo.

Nakasaad sa Seksyon 114 (Right of Appeal, Forms and Ground) ng  Republic Act No. 10863 o  Customs Modernization and Tariff Act na “that any party adversely affected by a decision or omission of the Bureau pertaining to an importation, exportation, or any other legal claim shall have the right to appeal within 15 days from receipt of the questioned decision or order.”

Nakasaad pa rin dito na ang apela ay kinakailangan na isampa sa loob ng itinakdang panahon na nakapaloob sa batas  o sa pamamagitan ng regulasyon at dapat na naka-specify ang mga dahilan.

Papayagan naman ng BOC na mabigyan ng makatuwirang oras ang mga importers para sa pagsusumite ng supporting evidence sa apela.

Samantala, namahagi naman si Pangulong Marcos ng 1,200 sako ng nakumpiskang smuggled rice sa mga  identified beneficiaries ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa  Lungsod ng General Trias. Kris Jose

Previous articleMga residenteng apektado ng vog tulungan-Speaker Romualdez
Next articlePagpapaunlad ng water technology ng DOST, susuportahan ng Senado