Home NATIONWIDE Mas marami, malalaking barko kalahok sa mga sunod na resupply mission –...

Mas marami, malalaking barko kalahok sa mga sunod na resupply mission – PCG

MANILA, Philippines- Sinabi ni PCG-West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na maaring kabilang ang mas marami at mas malalaking barko sa mga susunod na resupply mission sa WPS.

Ayon kay Tarriela, patuloy silang magiging mapagbantay kahit na matagumpay na ang muling pagsuplay ng BRP Sierra Madre noong Martes.

Inihayag pa ng tagapagsalita ng WPS na masasabing matagumpay ang paghahatid ng resupply mission sa ngayon ngunit hindi ibig sabihin na kailangang maging kampante sa susunod na mga misyon.

Aniya, kailangan pa ring mapagmatyag.

Sa ulat, nanatiling hamon para sa PCG ang paghahatid ng construction materials para ayusin ang nakasadsad na Navy Ship sa Ayungin Shoal.

Nauna nang iginiit ng China na dapat tanggalin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin, at nagbanta itong haharangin ang transportasyon ng anumang malalaking building materials.

Sa kabila nito, sinabi ng National Task Force on the West Philippine Sea (NTF-WPS) na panahon na para magtayo ng permanenteng istraktura sa bahura para magamit ang yamang-dagat at langis sa loob ng Philippine Exclusive Economic Zone (EEZ).

“We have an obligation to be there, we hold the sovereign rights over the area, no other country can set up permanent structures, tayo lang. Because pag sinabi mong sovereign rights, you can exploit the natural resources. How can you do so kung walang permanent structures,” sabi ni NTF-WPS spokesperson Undersecretary Jonathan Malaya.

Nilinaw ng opisyal na kahit napansin ang surveillance craft ng Estados Unidos noong Agosto 22, ang US at iba pang bansa ay walang papel sa resupply mission.

Samantala, pinag-aaralan ngayon ng tanggapan ng Solicitor General ang mga legal at diplomatikong hakbang na may kaugnayan sa blockade ng China at ang posibilidad na maghain ng apela sa United Nations General Assembly. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleCYBERCRIME DESK INILUNSAD, PINATATAG NG NCRPO 
Next articlePag-abswelto sa 17 parak sa ‘Blood Sunday’ iniapela sa DOJ