Home HOME BANNER STORY Mas marami pang Chinese uniforms, sex toys nadiskubre sa POGO sa Pampanga

Mas marami pang Chinese uniforms, sex toys nadiskubre sa POGO sa Pampanga

MANILA, Philippines – Nadiskubre pa ang ams maraming mga hinihinalang Chinese military uniforms, sex toys, at mga hayop mula sa nilusob na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) firm sa Porac, Pampanga.

Matatandaan na nilusob ang naturang POGO hub sa Pampanga dahil sa mga illegal na aktibidad kabilang ang human trafficking, sex trafficking, torture, kidnapping, at scamming.

Sa ulat, ipinagpatuloy ng mga awtoridad nitong Martes, Hunyo 11, ang inspeksyon ng 46 na gusali ng Lucky South 99 POGO compound kung saan nakakuha ng apat na set ng camouflage uniforms na may butones na nakalagay ang initials na PLA, na hinihinalang People’s Liberation Army (PLA) ng China.

Nakuha rin dito ang mga military boots at belts na may emblem.

Ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), susuriin ang mga uniporme para malaman kung ang mga ito ay totoo. Tiningnan na rin ang mga pangalan na nakita sa mga uniporme kung may tutugma sa mga pasaporte ng mga naarestong Chinese nationals.

“Medyo kinagulat lang natin. Siya ba ay pumasok doon dahil gusto niya magtrabaho sa POGO hub at dati siyang military? Kung makakakuha tayo ng impormasyon na siya ay in active service at siya ay pumasok doon sa POGO hub na yun para for other intention malalaman natin yan through our investigation,” pahayag ni PAOCC chief Gilbert Cruz.

“May mga video pa nga na pinasa sa amin yung mga babae nagsasayaw ng hubad. Binibenta nila online or nila-livestream nila. So merong sexual exploitation na nangyayari sa loob,” dagdag ni Cruz.

Sa kopya ng 2019 Mayor’s permit at 2019 municipal resolution ng notice of no objection, nakita na pirmado ni Mayor Jaime Capil ang mga naturang dokumento na ginamit sa pag-apply ng license, permit at franchise ng naturang POGO firm.

Nauna nang itinanggi ni Capil na may kaugnayan siya sa illegal POGO, at sinabing pinayagan niya lamang ito bilang isang ‘legitimate business entity.’

“Sa akin kasi so far wala pa naman po ako natatanggap. Siguro pwede po kami humingi ng mga records sa kanila. Kung kailan po naitayo ito, paano po tumayo ito, sino yung dati mga may-ari,” giit ni Cruz.

“Kung sino yung nag-apply ng business permit, kung sino yung nag-apply ng mga mayor’s permit, mga sanitary permit, siyempre yun po yung may-ari,” dagdag pa niya.

Bukod sa mga uniporme at sex toys, may mga nakuha ring hayop sa gusali katulad ng mga aso, at Macaw birds na sinagip naman at dinala sa compound ng Philippine Animal Welfare Society. RNT/JGC