Home NATIONWIDE Mas marami pang Pinoy mula Gaza, pauwi na ng bansa

Mas marami pang Pinoy mula Gaza, pauwi na ng bansa

MANILA, Philippines – Inaasahang darating sa bansa ang pinakabagong batch ng 14 na Filipino at limang asawa nitong Palestinian mula sa Gaza.

Ayon pa sa Department of Foreign Affairs, nakatawid na rin ang 13 iba pang Filipino sa Rafah border.

Dahil dito, umabot na sa 111 ang kabuuang bilang ng mga Filipino na nakaalis ng Gaza, at ang mga nakauwi na sa Pilipinas ay nasa 77, sinabi ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega.

Nananatili naman sa Gaza City ang isang madre at ang 25 iba pang Filipino ay nakakalat sa Deir Al Bahla, Khan Younis at Rafah governorates sa Southern Gaza, ayon kay Philippine Ambassador to Jordan Wilfredo Santos.

“We were able to extract 111 of 137 Filipinos or 81.02% under the most difficult conditions from Gaza,” dagdag ni De Vega, na ngayon ay nasa Cairo, Egypt.

Sa 14 na Filipino na darating sa Martes, tatlo rito ang bata at isa ang sanggol.

Ang 13 iba pang nakatawid naman sa border sa Rafah nitong Linggo ay patungo na sa Cairo kasama ang anim na asawang Palestinians ng mga ito.

Inihahanda na ang flight ng mga ito pabalik ng Manila. RNT/JGC

Previous articleDjokovic tinalo si Rune; world number 1 sinungkit
Next articleKotse inararo ng dump truck, 4 patay