MANILA, Philippines – Nagpadala ang Philippine Army ng mas maraming sundalo apara sa paparating na barangay elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ipinag-utos ni Army chief Lt. Gen. Roy Galido ang deployment ng nasa 1,000 Army personnel para sumuporta sa manpower ng 6th Infantry Division na nakasasakop sa mga probinsya ng Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte, Lanao del Sur, at Lanao del Norte sa pagdaraos ng eleksyon sa Oktubre 30.
Sa pinakahuling meeting sa Commission on Elections sa BARMM, siniguro ni Galido na hindi papalya ang eleksyon sa nasabing rehiyon at magpapatuloy ang halalan gaya ng naitakda.
Sinabi rin ni Galido sa Comelec na palalakasin pa ng militar ang pagbabantay sa pakikipagtulungan sa Philippine National Police at iba pang pwersa ng pamahalaan para masiguro ang mapayapa at maayos na eleksyon sa BARMM.
Ang mga karagdagang sundalo ay dumating sakay ng military aircraft noong Biyernes, Oktubre 20 sa Awang Airport para magdagdag sa pwersa ng seguridad sa Central Mindanao.
Ayon naman kay Major Gen. Alex Rillera, 6th Infantry Division and Joint Task Force Central commander, ang deployment ng karagdagang military personnel ay isang “strategic move” para masiguro ang mapayapa at maayos na eleksyon.
“This proactive stance is aimed at safeguarding the electoral process to demonstrate the commitment of the government to upholding democracy and maintaining law and order,” ani Rillera.
Iginiit niya na ang collaborative effort ng militar, pulisya at iba pang security forces ay nagpapakita lamang ng pagsisiguro ng pamahalaan na maging ligtas at patas ang electoral process.
“With these security measures in place, both the electorate and candidates are confident that the forthcoming elections will be conducted without disruptions wherein the people of BARMM can choose their local leaders freely and without fear,” pagtatapos ni Rillera. RNT/JGC