Home NATIONWIDE Mas masaganang huli sa Bajo de Masinloc inaasahan kasunod ng pagpatrolya ng...

Mas masaganang huli sa Bajo de Masinloc inaasahan kasunod ng pagpatrolya ng PCG, BFAR

MANILA, Philippines- Inaasahang mas marami pang mahuhuli ang mga mangingisdang Pilipino sa Bajo de Masinloc o Panatag o Scarborough Shoal matapos atasan ng gobyerno ang Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na magsagawa ng rotational deployment ng kanilang mga sasakyang pandagat sa ang lugar.

Sinabi ni Commodore Jay Tarriela, PCG spokesperson on West Philippine Sea, na ang presensya ng mga barko ng gobyerno sa Bajo de Masinloc ay naglalayong protektahan ang mga mangingisdang Pilipino mula sa iniulat na harassment ng Chinese vessels.

Ayon kay Tarriela, sinasabi ng mga mangingisda na nakakapangisda na sila sa Bajo de Masinloc nang mas mahabang panahon dahil mayroon nang mga barko ng PCG at BFAR sa bisinidad.

Nasa 275,520 metric tons ng isda ang nahuhuli sa West Philippine Sea, na kumakatawan sa humigit-kumulang anim hanggang pitong porsyento ng pambansang produksyon ng pangisdaan sa bansa. Dito, humigit-kumulang 20 hanggang 30 porsyento ay mula sa Bajo de Masinloc.

Ngayong buwan, sinimulan ng PCG at BFAR ang rotational deployment ng kanilang mga sasakyang pandagat para magpatrolya sa Bajo de Masinloc at tumulong sa mga lokal na mangingisda laban sa anumang posibleng harassment mula sa mga sasakyang pandagat ng China.

Gayunman, ang pinaigting na presensya ng mga sasakyang pandagat ng gobyerno sa shoal ay hindi nangangahulugan na nais ng Pilipinas na pukawin ang China o palakihin ang tensyon sa West Philippine Sea, ayon kay Tarriela.

Inulit ni Tarriela na may mga diplomatikong paraan para matiyak na tuluyang bababa ang tensyon sa West Philippine Sea.

“We don’t intend to provoke anybody, as much as possible we de-escalate the tension although again, we are on the receiving end at sila ang tumitindi,” sabi ng opisyal.

Dagdag pa ng opisyal,  hindi intensyon ng gobyerno na magsimula ng giyera dahil nais lamang na masiguro ang food security ng bansa sa pamamagitan ng saganang suplay ng isda sa West Philippine Sea.

Gayunman, sinabi ni Tarriela na ang pakikipag-head-to-head sa militar ng China ay hindi tumutukoy sa diskarte ng bansa sa West Philippine Sea. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articlePrank ni Alex, di umubra kay Carla!
Next articleCagayan province niyanig ng M-4.7 quake