Home NATIONWIDE Mas mataas na 4Ps cash grants sisimulan sa susunod na taon –...

Mas mataas na 4Ps cash grants sisimulan sa susunod na taon – DSWD

MANILA, Philippines – Target ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maipamahagi sa susunod na taon ang adjusted cash grants sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng pamahalaan.

Ayon kay DSWD Assistant Secretary JC Marquez, tututukan ng ahensya ngayong taon ay ang pagbuo ng proposal na dagdagan ang halaga ng cash grants para sa mga benepisyaryo sa pakikipagtulungan sa National Economic and Development Authority (NEDA), Philippine Statistics Authority (PSA), at Philippine Institute for Development Studies (PIDS).

“Hopefully, magawa natin ‘yung panukala this year at for implementation hopefully next year,” sinabi ni Marquez sa panayam ng GMA News.

Nauna nang sinabi ng DSWD na kasama sa konsiderasyon nila para rito ay ang epekto ng inflation.

Ang idaragdag na halaga ay tutukuyin sa pakikipag-usap sa mga ahensya ng pamahalaan at organisasyon.

“Nasa proseso pa tayo ng pag-aaral at masusing pinag-aaralan natin ito kasama ang ating nabanggit na ahensya at makakaasa kayo na oras na mabuo ang panukala ay ibabahagi namin sa inyo ang mga detalye nito,” ani Marquez.

Noong Mayo ay naitala ang ikaapat na sunod na buwan na pagtaas sa presyo ng consumer goods at mga serbisyo sa Pilipinas sa 3.9%.

Nagdala ito sa year-to-date inflation rate na 3.5%, na pasok pa rin naman sa target range ng pamahalaan na 2% hanggang 4%.

Sa kasalukuyan ay mayroong 4.4 milyong tirahan sa buong bansa ang aktibong miyembro ng conditional cash transfer program ng pamahalaan. RNT/JGC