Home NATIONWIDE Mas mataas na buying price nagpalakas sa palay inventory ng NFA

Mas mataas na buying price nagpalakas sa palay inventory ng NFA

MANILA, Philippines – Napatas ng National Food Authority (NFA) ang palay inventory sa loob ng isang buwan makaraang taasan din ang buying price ng palay.

Sa pahayag, sinabi ng NFA na mula nang aprubahan ang mas mataas na procurement pice ng palay noong Abril 11, nakabili na ang pamahalaan ng karagdagang 2.41 milyong 50-kilo bags ng palay hanggang noong Mayo 15.

Kumpara sa panahon mula Enero 1 hanggang Abril 15, nakabili lamang ang ahensya ng nasa 142,244 na bag ng palay.

Sa kabuuan, ang total procurement ng NFA ay nasa 2.5 milyong bags ng palay mula Enero 1 hanggang Mayo 15. Ito ay nagrerepresenta sa 82.76% ng target ng ahensya na 3.08 milyong palay sa kaparehong panahon.

Noong nakaraang buwan, tinaasan ng NFA Council ang procurement price sa kada kilo ng palay sa P23 patungong P30 kada kilo at P19 ay ginawang P23 para sa malinis at tuyong palay, habang mula P17 patungong P23 at P16 patungong P19 naman para sa sariwa at basang palay.

Nagsimulang bumili ang ahensya sa mas mataas na presyo noong Abril 17.

“The new price scheme is really the game changer,” ayon kay NFA acting administrator Larry Lacson.

“I think the NFA Council’s strong understanding of the NFA’s challenges has resulted in stronger collaboration. We thank Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. and the Council for this,” dagdag pa niya.

Sa ilalim ng Rice Tariffication Law, inaatasan ang NFA na panatilihin ang national rice buffer stock na katumbas sa siyam na araw na consumption, o ngayon ay nasa 330,000 metric tons, para sakupin ang mga oras ng kalamidad.

Hindi naman pinapayagan ng batas ang NFA na mag-import ng bigas o trading sa agricultural commodities dahil inoobliga nito ang ahensya na kumuha lamang ng buffer stock mula sa local rice farmers.

“We’re still aiming to hit that target since there are other areas like Bulacan where farmers haven’t completed their rice harvest,” ani Lacson. RNT/JGC