MANILA, Philippines – Nais ng isang mambabatas na mapataas ang speed limit sa mga expressway ng bansa.
Ayon kay Ilocos 1st District Representative Ronald Singson, kailangang baguhin ang maximum speed limits sa mga expressway dahil ang kasalukuyang standard ay nakabatay pa sa batas na ipinasa noong 1984.
Nais ni Singson na taasan ang kasalukuyang speed limit na 80 kilometers per hour (kph) sa mga bus sa 120 kph at maximum speed limit sa iba pang mga sasakyan mula 100 kph ay gagawing 140 kph.
“The safety features of the vehicles now provide that it can go faster and also safely…The aim of the bill is to introduce an optimal safety speed in certain areas of the expressway,” anang mambabatas.
Aniya, sinubukan na niyang magmaneho sa bilis na 140 kph sa expressway mula Balintawak hanggang Pangasinan.
“With a speed limit of 100kph, siguro mga 3.5 hours ‘yon. Pero there’s one time nagka-emergency kami, biniyahe namin yon ng 140kph ‘yung whole stretch, gabi. It only took us two hours,” dagdag pa niya.
Nagpahayag naman ng suporta ang ilang ahensya ng pamahalaan kabilang ang Land Transportation Office (LTO) sa panukala ngunit sinabing kailangan pa rin ng mas maigting na road safety measures sa seguridad na rin ng mga motorista.
“If it will be set to 140kph or 120 kph, our concern in the agency is that we enact stricter rules as to road safety lang po,” ayon kay LTO official Zoj Daphne Usita-Angustia.
Sinabi naman ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na karamihan sa mga expressway ay nakadisenyo pa batay sa panuntunan na inilatag noong 1984.
“While we recognize mobility as the primary intent of increasing the speed, we need to recognize also the safety component of the road,” pagbabahagi ni DPWH Bureau of Quality and Safety Assistant Director Jonathan Araullo.
Para naman sa San Miguel Corporation (SMC), ang mga skyway ay bahagi rin ng tollways.
“There are certain areas of our expressway like the skyway, wherein the lanes are narrower and the speed limit of 140 might be too fast in that area,” ani SMC AVP for infrastructure Melissa Encanto-Tagarda.
Sa ilalim ng panukalang batas, may kapangyarihan ang mga lokal na pamahalaan na baguhin ang speed limit sa mga expressway na nasa ilalim ng kanilang hurisdiksyon.
Maaari ring baguhin ng Department of Transportation ang limit sa mga bahagi na nasa labas na ng urban areas, kabilang ang mga tulay at pakurbang kalsada. RNT/JGC