KUNG labis tayong naapektuhan sa kasalukuyang giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine, dapat maghanda sa mas mabangis na labanan sa nasabing mga bansa.
Batay ito sa pagpapadala ng daan-daang makabagong tangkeng pandigma ng United States, Germany at iba pang kaalyado ng US-Ukraine na mga bansang kasapi ng European Union.
Balak ng US-Ukraine-EU na gamitin ang mga tangke, kasabay ng mga drone, missile at iba pang mga armas na hindi lang pangontra sa mga armas naman ng Russia na gamit sa mga bagong okupado nilang lugar sa Donetsk at Donbas.
Layon ng mga bansang nabanggit na bawiin maging ang Crimea na nauna nang idineklara ng Russia na pag-aari at bahagi ng teritoryo nito.
Maaaring may gagamit din ng mga eroplanong pandigma na kung papasok sa teritoryo ng Russia ang mga pakakawalang armas, lalong lalawak at babangis ang digmaan.
MATINDING BABALA
Matindi ang babala ngayon ng Russia na gagamitin na nito ang lahat ng armas na hawak nito.
At sa pag-unawa ng ibang mga bansa, maaaring gagamitin na ng Russia ang bombang nukleyar.
Kung mangyari ito, lalong lalawak at babangis ang digmaan at madamay na nang todo ang iba pang mga bansa, bukod sa mga nagdidigmaan ngayon.
MARAMING TITIGIL
Sa kalagayang ito, may mga ganap nang titigil gaya ng pagbiyahe ng mga barkong nagdadala ng mga kalakal mula sa pagkain at gamot hanggang sa mga kompyuter, makinarya sa agrikultura.
May mga titigil ding biyahe ng mga eroplano.
At kung titigil ang mga ito, paano ang mga pinararating nating imported na pangangailangang pagkain at gamot hanggang sa mga kompyuter, makinarya sa agrikultura at pagluluwas ng mga produkto natin?
Paano rin ang mga iniluluwas nating mga produkto na ating pinagkakakitaan din?
Maaaring labis ding maapektuhan maging ang empleyo ng mga overseas Filipino worker at kanilang mga padala sa Pinas.
Kung paano nagmahal ang nasabing mga kalakal nitong nakalipas na maraming buwan, lalong magiging problema ang presyo o magmamahal ang nasabing mga bilihin at matigil ang delivery ng mga ito maging sa Pilipinas.
DAPAT MAGHANDA
Napakasipag si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagsusulong ng interes ng mahal kong Pinas sa mundo para umunlad tayo lahat.
Kabilang dito ang pagbubukas ng Pinas sa pamumuhunan ng mga dayuhan at posibleng pamumuhunan din ng Pinas sa iba bansa, para pa rin sa kapakanan nating lahat.
Pero kung babangis at lalawak ang giyera, marami sa mga ito ang mauudlot.
At maaaring magtagal ang mga pagkakaudlot, depende sa magiging takbo ng digmaan, kasama na ang posibilidad na giyerng nukleyar.
Tiyak na daranasin natin ang nabanggit na natin sa itaas ukol sa kakapusan ng maraming bagay sa pagtigil ng biyahe ng mga barko at eroplano, pagsama ng kalagayan ng mga OFW, pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo at marami pang iba.
Ngayon pa lang, dapat na tayong maghanda!