Home NATIONWIDE Masaker, tortyur sa Bohol ops itinanggi ng PNP, AFP

Masaker, tortyur sa Bohol ops itinanggi ng PNP, AFP

MANILA, Philippines – Itinanggi ng pulisya at militar ang mga alegasyon ng “masaker” at “torture” sa kanilang operasyon sa Bilar, Bohol na ikinamatay ng limang umano’y rebeldeng komunista noong Biyernes, Pebrero 23, kabilang ang isang abogado.

Sa isang press conference, nanindigan si Philippine National Police (PNP) chief Police General Benjamin Acorda Jr. na ang insidente ay isang “legitimate encounter”.

“Sa katunayan, napakalungkot na namatay ang isa sa ating kapulisan, mga tauhan ng pulisya at isang sugatan. Siguro naman parang masyadong kwan na iyon, if it will sacrifice one life or one personnel and wounding another one just to draw an encounter na sinasabi nila,” aniya.

“Gayunpaman, kung may mga reklamo, bukas kami para sa imbestigasyon. Pero base sa report from our lower units, it’s a legitimate encounter,” dagdag pa niya.

Itinanggi ni Armed Forces Visayas Command (Viscom) chief Lieutenant General Benedict Arevalo ang mga akusasyon at tinawag itong “propaganda.”

“Hindi na natin bibigyan ng dignidad ang kanilang propaganda, masasabi nila kung ano ang gusto nila,” aniya sa mga reporter.

“Walang bago, wala naman silang sinasabing bago. Sinasabi nila iyon sa lahat ng mga bagay na nangyayari. Wala kaming naririnig na bago sa mga sinasabi nila. They’ve been saying that in all the operations,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Arevalo na bukas ang militar sa anumang imbestigasyon sa usapin.

Sa isang pahayag noong Linggo, idineklara ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) na ang mga pwersa ng estado ay “pinahirapan at pinatay” ang limang nasawi. Kinilala ang mga ito na sina abogado Hannah Cesista, Domingo Compoc, Parlito Historia, Marlon Omosura, at Alberto Sancho.

“A human rights group has reportedly obtained a photograph showing Compoc alive and in the custody of state forces. The group also gathered that the NPA members were tortured and summarily executed with Cesista missing an eye and others displaying visible stab wounds,” ayon sa NUPL.

“Under this context, the brutal torture and killings of the captured NPA members is a grave breach of international humanitarian law which mandates the humane treatment of captured combatants as prisoners of war.” Santi Celario

Previous articleDA sa Mindoro towns na sapul ng El Niño: State of calamity ideklara
Next articleYael, nag-propose kay Karylle, muling ikakasal!