Home OPINION MASAYANG PASKONG PINOY

MASAYANG PASKONG PINOY

NAKALIPAS na ang Pasko at nairaos na natin ang pinakamasayang araw ng taon ng mga Pinoy.

Mapabata o super senior citizen, iba talaga ang dalang saya ng Pasko sa atin. ‘Ika nga ng pari noong Christmas Eve na Misa, tiba-tiba ang marami ngayon.

Napaka-Pinoy na komento at tama nga naman. Tiba-tiba ang mga bata dahil marami silang regalo at pera. Tiba-tiba din naman ang mga lolo at lola, kasi umaapaw ang mga ngiti at ningning sa mga mata ng mga mahal sa buhay na dinalaw sila at kasama, kahit na isang araw lang.

Tiba-tiba din ang mga negosyo dahil maraming pera ang mga tao. Kainan, pasyalan, party kaliwa’t-kanan at nood ng sine, kasi nga meron din Metro Manila Film Festival. Buhay na buhay ang spirit of giving.

Mas masarap naman talaga na ikaw ang nagbibigay o nagshe-share ng blessings, lalo na ‘pag Pasko. Pero minsan, naiisip ko baka meron din konting lungkot o dismaya ‘yung iba, kasi sila na ‘yung puro bigay nang bigay, pero sila din ‘yung walang nakuha kahit isang regalo. Nabasa ko nga sa ilang socmed posts na “gets naman namin na it’s better to give than to receive, pero iba pa rin na meron kang binubuksan na gift na para sa iyo lang.” Ibig sabihin kasi, meron pa rin nakaalala na bigyan ka kahit papaano. Hindi na mahalaga kung maliit o mumurahin ang regalo, ang mahalaga, meron nagpahalaga sa’yo.

Sigurado ako, tiba-tiba rin ang GCash at ibang e-wallet, dahil ito na ang kakaibang paraan ng pagbibigay ng perang aginaldo. Hindi na rason na malayo si ninong o ninang. O kaya ay nakalimutan o walang oras na bumili ng panregalo. I-GCash mo na lang ninong!

Ang hirap din kayang mag-tago kung lagi kang ite-text ng mga kumare at kumpare mo! Pati ‘love you’ at ‘thank you’, digital na greeting na rin.

Sa millennials at GenZ, huwag n’yo na lang pansinin ang mga titos at titas n’yo na sablay na naman ang mga komento at tanong sa inyo habang nagno-noche buena. Alam n’yo naman ang henerasyon namin, medyo iba ang pananaw sa buhay. Pero mahal namin talaga kayo!

Nawa’y mag-umapaw at tumawid sa Bagong Taon ang inyong saya ngayong Pasko!

Previous articleDAAN SA CALOOCAN, KAILAN BUBUKSAN?
Next articlePRESYO BABAGSAK SA ‘AI’ PERO PAMBILI NASAAN?