PILAR, Cebu- HINDI inakala ng isang matadero na siya ang mamatay sa halip na ang baboy niyang kinakatay nang bigla na lamang bumangon hanggang sa bumaon ang gamit niyang kutsilyo sa kanyang leeg nitong Biyernes, Setyembre 22 sa isla ng Camotes sa bayang ito.
Hindi na umabot pang buhay sa ospital sanhi ng malaking sugat sa leeg ang biktimang si Marcelito Gontinas Lapeciros, at residente ng Sitio Batang, Barangay Moabog, Pilar, Camotes Island, northern Cebu,
Batay sa report ng Pilar Police Station, bandang 11:45 AM nang maganap ang insidente sa nasabing lugar.
Ayon kay Police Master Sergeant Alex Dolfo, ng Pilar Police Station, pinatay ni Lapeciros ang baboy sa pamamagitan ng paghampas ng matigas na kahoy sa ulo at tinusok pa nito ng kutsilyo ang leeg.
Sa pag-aakalang patay na ang baboy, bubuhusan na sana ito ng mainit na tubig ng biktima subalit bigla na lamang itong bumangon dahilan para habulin ito ni Lapeciros.
Dahil dito, sumabit sa tali ng baboy ang kutsilyo ng biktima hanggang sa napahiga ito at bumagsak sa kanyang leeg ang kutsilyo.
Sinubukan pang dalhin sa ospital ang biktima pero idineklara na rin itong patay ng umatending doktor.
Sinabi ng mga kaanak na matagal ng matadero ang biktima at hindi sila makapaniwalang mangyari ito kay Lapeciros. Mary Anne Sapico