Home OPINION MATAGUMPAY NA FREE DENTAL MISSION SA INDANG

MATAGUMPAY NA FREE DENTAL MISSION SA INDANG

NAGING matagumpay at makabuluhan ang proyektong Cavite Free Dental Mission ng grupong Caring Hearts Dentistry Society at Rotary Club of Richmond Sunrise mula sa bansang Canada kamakailan na ginanap ng tatlong araw sa Indang Municipal Covered Court sa Brgy. Poblacion Tres sa Indang, Cavite.

Naging katuwang ng mga Filipino – Canadian Dentist sa makabuluhang proyektong ito ang masisipag na magkapatid na lingkod-bayan mula sa ika-pitong distrito ng Cavite na sina Representative Crispin Diego “Ping” Remulla at Board Member Francisco Gabriel “Abeng” Remulla na kapwa personal na nagtungo sa lugar na pinagsagawaan ng free dental mission sa unang araw o pagbubukas ng programa.

Dinagsa ng napakaraming Kabitenyo ang programa kaugnay sa libreng pangangalaga sa ngipin na noong unang araw  pa lang kaya’t nahirapan na ang organizers dahilan para  tumulong na rin ang mga barangay tanod ng Barangay Poblacion Tres, Rescue Team ng Indang Municipal Disaster Risk Reduction Management Office at mga miyembro ng Indang Municipal Police Station.

Naging maganda rin ang resulta ng ikalawang araw ng Free Dental Mission ng Caring Hearts Dentistry Society at RC Richmond Sunrise – Canada sapagkat patuloy ang pagdagsa ng mga taga-Indang na nangangailangan hindi lang ng libreng bunot, linis  at pasta ng kanilang mga ngipin subalit maging ng kaalaman sa tamang pangangalaga ng kanilang  mga ngipin.

Malaki kasi ang kaugnayan ng ngipin sa kalusugan ng tao kaya naman handa ang grupo ng mga dentist na ibahagi sa kanila ang tamang kaalaman para sa kanilang kalusugan.

Sa ikatlong araw ay nagkaroon pa ng Feeding Program para sa 200 mga bata mula sa Barangay Poblacion 1, 2, 3 and 4. Samantala ang mga naging serbisyo sa Cavite Free Dental Mission na ito ay cleaning, pasta at bunot ng ngipin.

Kaya naman, ganoon na lang ang pasalamat sa mga nag-organisa at mga mismong nakiisa sa Cavite Free Dental Mission ng mga residente kung kaya’t maituturing na isa na naman itong tagumpay. Dalangin ng mga taga-Indang, nawa’y maulit at magtuloy-tuloy pa ang programa upang sa ganoon ay magpagkakataon pa ang ibang hindi nakapunta sa proyekto.

 

Previous articlePANANAHIMIK SA KAAPIHAN NG KABABAIHAN, TINULIGSA NI POPE FRANCIS
Next articleVALENZUELA LAUNCHES ‘PEOPLE’S DAY SA BARANGAY’ CARAVAN