MANILA, Philippines – Tinaasan ng Social Security System (SSS) ang maximum amount ng funeral benefit para sa mga miyembro nito ng hanggang P60,000.
Ayon sa SSS, sinimulan nitong ipatupad ang enhanced guidelines para sa Social Security (SS) Funeral Benefit Program noong Biyernes, Oktubre 20.
Sa ilalim ng bagong panuntunan, ang claimants ng nasawing miyembro na may 36 o higit pang monthly contributions ay makatatanggap ng iba’t ibang halaga mula P20,000 hanggang P60,000 sa SS funeral benefits, depende sa dami ng paid contributions at average monthly salary credit.
Para naman sa mga miyembro na nagbayad ng isa o mas mababa sa 36 monthly contributions hanggang sa buwan ng pagkasawi, magagawaran ito ng fixed funeral benefit na P12,000.
“The new guidelines provided under SSS Circular 2023-009 aim to incentivize active membership by raising the maximum amount of funeral benefit to P60,000 and streamline the provision of funeral benefits to claimants, especially for surviving legal spouses,” saad sa pahayag ni SSS President at CEO Rolando Macasaet.
Ayon sa SSS, ang pinataas na funeral benefit ay sasakop sa embalming services, burial transfer services at permits, funeral services (kabilang ang church fees o katumbas nito sa ibang relihiyon), cremation o interment services, pagbili o pagrenta ng kabaong, pagbili o pagrenta ng nitso, cemetery, memorial lot, o columbarium, at memorial o funeral insurance plan.
Ang funeral expenses sa pamamagitan ng proof of payment, ay ire-reimburse ngunit hindi dapat lalampas sa computed funeral benefit due.
Ibibigay ang aplikasyon para sa funeral benefit ng prescriptive period ng filing ng 10 taon mula sa buwan ng kamatayan ng miyembro o pensioner, “subject to terms and conditions” na tinukoy ng SSS.
Ang SSS member-claimants ay dapat na maghain ng kanilang funeral benefit applications online sa pamamagitan ng kanilang account sa www.sss.gov.ph.
Samantala, ang non-member claimants ay maaaring maghain ng aplikasyon sa anumang branch ng SSS.
“As we continue to pursue the provision of meaningful social security protection through simpler, faster, and more convenient processes, we also want to emphasize that actively paying SSS contributions will not only enable our members to qualify or remain qualified to our benefit and loan programs but also allow them to attain higher and better benefits,” dagdag ni Macasaet. RNT/JGC