Maynila, plantsyado na ang plano sa balik-eskuwela sa Agosto

Maynila, plantsyado na ang plano sa balik-eskuwela sa Agosto

May 28, 2020 @ 7:09 PM 2 months ago

  •  
  •  
  •  
Share

Manila, Philippines – Handa ang pamahalaang lungsod ng Maynila sakaling ituloy ang pagbubukas ng klase sa darating na Agosto sa kabila ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na nais nitong ipagpaliban ang pagbabalik eskwela ng mga estudyante hanggat wala pang “vaccine” sa sakit na COVID-19.

Sa panayam kay Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, sakaling matuloy ang pagbubukas ng klase sa Agosto 24 ay may mga paraan ang lokal na pamahalaang lungsod upang mailayo sa kapahamakan o sakit ang mga estudyante sa mga pampublikong eskwelahan.

 

Ayon kay Domagoso, sasabayan umano ng pamahalaang lokal ang anumang panuntunan na ipatutupad ng National Government partikular na ang Department of Education (DepEd) lalo na ang pagtuturo gamit ang teknolohiya tulad ng “online class”.

“May kaparaanan ang local government, Manila will make plans to assist students to have access on line.” ani Domagoso.

Sinabi ni Domagoso ang kanyang mga pahayag kasabay ng pagpapasinaya ng ika-5 quarantine facility na itinayo sa Arellano Highschool na may 41 bed capacity na matatagpuan sa Alonzo St., Sta. Cruz sa nasabing lungsod.

Pinasinayaan ni Manila Mayor Fransisco ‘Isko Moreno’ Domagoso, at Vice Mayor Sheilah Honey Lacuna Pangan, ang ika-5 COVID-19 quarantine facility sa loob ng Cayetano Arellano High School sa Sta. Cruz Maynila na may 41 bed capacity. Crismon Heramis

Sa loob lamang ng linggong ito ay dalawa na ang nabuksan na quarantine facility na kung saan ay aabot na sa mahigit 220 bed capacity ang maaaring paglaanan ng mga suspected at probable cases ng COVID-19.

Bukod sa Arellano HS Quarantine facility ay una nang pinasinayaan ang apat pang pasilidad kabilang na dito ang Delpan Quarantine Facility na may 60 bed capacity, Araullo High School quarantine facility na may 40 bed capacity, Tondo High school quarantine facility na may 40 bed capacity at sa T. Paez Highschool na may 41 bed capacity na binuksan nito lamang Martes.

Ayon pa kay Domagoso, sa labindalawang quarantine facility na kanilang target bilang paghahanda na din sa pagsasailalim sa general community quarantine ng Metro Manila, nasa limang pasilidad na ang nagsisimula at sa susunod na linggo ay may bubuksan pa uli silang quarantine facility sa San Andres Sports Complex.

Nais ni Domagoso na may paglaanan ang mga magpopositibo sa tuloy-tuloy na pagsusuri na isinasagawa ng Manila Health Department (MHD) gamit ang “rapid mass testing” upang agad silang ma-“isolate” at hindi na makapanghawa pa sakaling nagtataglay na sila ng sakit na COVID-19.

Sakali naman na magpositibo ang mga ito sa nasabing sakit matapos sumailalim sa swab testing ay dadalhin sila sa Manila Infectious Disease Control Center sa Sta. Ana Hospital na may 171 bed capacity.

Batay sa datos ng MHD, nasa 1,300 na ang naitalang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod ng Maynila kung saan nasa 819 ang aktibong kaso nito habang wala namang naitalang namatay kahapon ngunit aabot na sa 98 ang kabuuang bilang na nasasawi sa nasabing sakit sa lungsod.

Umabot naman sa 14 pasyente ang naitalang gumaling sa naturang sakit kahapon at umabot na sa kabuuang bilang na 384 ang tuluyang gumaling sa COVID-19 sa Maynila. Jay Reyes

Share

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Loading...