MANILA, Philippines – MAGIGING makulay ang Lungsod ng Maynila sa unang bahagi ng Setyembre ngayong taon dahil ang kultura at pamana nito ay magiging sentro sa kauna-unahang Manila International Dance Festival o MID Fest 2023.
Ang tatlong araw na international dance na gaganapin sa Setyembre 8 hanggang 10 na inorganisa ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa ilalim ng pamumuno nina Mayor Dr. Honey Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo Nieto, katuwang ang mga pribadong organisasyon at grupong nagtataguyod ng adbokasiya, ay lalahukan ng anim na bansa, kabilang ang Pilipinas, Indonesia, India, Thailand, Singapore, at South Korea.
Ayon sa bise alkalde, bagama’t ang layunin ng MID Fest ay itaguyod ang mayamang kultura ng Maynila sa pamamagitan ng pagsasayaw, may grupo rin ng mga mananayaw na magkakapanabay na magsasagawa ng pag-indak na konektado rin sa pag-unlad ng kultura ng lungsod.
“Of the over 100 dance groups that wanted to join the dance festival, we were able to bring it down to only 22,” pahayag naman ng miyembro ng komiteng kabilang sa mga nag-organisa nang magdaos ng pulong-balitaan kaugnay sa nalalapit na pagsisimula ng MID Fest na susundan naman ng Mr. Manila at ng “Kultura Manila” eleganteng fashion show.
Nabatid na libreng mapapanood ang eksibisyon sa pagsasayaw sa mga malls at pampublikong paaralan ang pagsisimula ng MID Festival ng alas-12 ng tanghali sa Setyembre 8, 2023, na susundan ng eksibisyon ng mga kalahok sa pagsasayaw sa Rizal Park dakong alas-6 ng gabi ng may 30 kalahok mula sa ibang bansa sa Asya na magpapaningning ng tatlong gabi sa bantog na parke sa bansa. JAY Reyes