Home OPINION MEDIA BULLYING

MEDIA BULLYING

IPINAGYAYABANG ng Philippine National Police ang kanilang motto na “To Serve & Protect”, pero ito nga ba ang ginagawa nila lalo na ang nasa Rizal Provincial Police Office?

Ayokong masali ang pangalan ng provincial director ng Rizal na si P/Col Felipe Maraggun dahil hindi ko naman siya personal na kilala pero nais ng inyong Pakurot  na mabatid niya ang ginagawang kamalasaduhan ng hepe ng kanyang Public Information Office.

Foul kasi ang ginawa nitong si P/Lt Mariesol Tactaquin, hepe ng PIO ng Rizal PPO, nang tanggalin nito sa group chat ng media/Rizal PPO itong kasama natin sa pamamahayag na si Neil Alcober, presidente ng PaMaMaRiSan (Pasig, Mandaluyong, Marikina, Rizal at San Juan) Press Corps at reporter ng Daily Tribune, dahil lang sa hindi niya kayang sagutin ang katanungan nito.

At maaaring hindi rin gusto ni Tactaquin ang hangarin ni Alcober na tanggalin ang mga ‘hao shiao reporters’ na nagko-cover sa Rizal na ang ginagawa at umikot o um-orbit sa mga pasugalan sa nasasakupan ng lalawigan.

Maganda ang layunin ni Alcober dahil nais niyang linisin ang hanay ng mga mamamahayag mula sa mga nagpapanggap na lehitimong media gayung wala naman ang mga itong entity.

Baka akala ni Tactaquin na kapag may vlog o kaya naman ay may FB page ay mamamahayag na kaya ayaw niyang magalaw ang mga ito dahil ang mga ito lang ang nagpapasikat sa kanila. O baka naman nagtatago ng kanilang baho?

Para sa kaalaman ng nakararami, ang PIO ay nasa ilalim ng Police Community Relations Service kaya naman dapat ay batid nitong si Tactaquin ang kahulugan ng public relations at media relations.

Hindi lang kina Region 4A director P/BGen Paul Kenneth Lucas at Philippine National Police chief PGen Benjamin Acorda Jr. nais nating iparating ang reklamong ito ng “media bullying” subalit maging kay Presidential Task Force on Media Security (PTFoMs) head Undersecretary Paul Gutierrez.

USEC Gutierrez, ang pagtanggal kasi kay Alcober sa GC ay banta sa kanyang karapatan bilang mamamahayag at banta rin sa kanyang kalayaan sa pamamahayag.

Paglabag, Lt. Tactaquin, sa iyong sinumpaang tungkulin ang ginawa mong pambu-bully kay Alcober. Akala ko sa mga eskwelahan at kulungan lang nagaganap ang bullying. Iyong mga bata na binubully ng kanilang mga kamag-aral at persons deprived of liberty na binubulyawan ng mga pulis. Maging ang mga mamamahayag ng Rizal ay nakararanas din ng bullying. Siyempre, mula sa pulis pa mismo sa katauhan ni Tactaquin.

Paano mapapalapit ang Rizal PPO lalo na ang kanilang regional director kapag sira ang tulay?

Hindi lang si Alcober ang nagrereklamo kaugnay sa pakikitungo sa media ni Tactaquin subalit may ilan pa ring lehitimong mamamahayag na nais makapanayam si PD Maraggun subalit sa PIO pa lang ay harang na.  Laging sagot ay hindi ‘available’ si PD.

May ilan ding nagrereklamo na hindi sila makapasok sa kampo dahil sa ‘entrance’ pa lang ay harang na sila at kapag nakikiusap sila kay Tactaquin na makapasok ay dedma lang ito.

Ang masamang gawain o sabihin na nating ugali ni Tactaquin ay sumasalamin sa makabagong Pilipinas ni Pangulong Bongbong Marcos at makaaapekto sa pagsisikap ng PNP na ilapit ang pamunuan sa mamamayan.

Bukas ang kolumn ng inyong lingkod para sa sagot ni Lt. Mariesol Tactaquin at Col. Felipe Maraggun.

 

 

 

 

Previous article“EASE OF PAYING TAXES LAW” NILAGDAAN  NI PANGULONG BBM
Next articleAGENDA PARA SA DINASTIYA