Home OPINION MEDIA UNDER ATTACK PA RIN ANG SMNI

MEDIA UNDER ATTACK PA RIN ANG SMNI

PINUNTIRYA na naman ng gobyerno ang Sonshine Media Network International ngayong linggo. Sa pagkakataong ito, pinatawan ng National Telecommunication Commission ang mother company ng network, ang Swara Sug Media Corp., ng cease and desist order sa operasyon nito.

Ang dahilan, ang lakas-loob na pagpupumilit ng SMNI na mag-broadcast sa mga probinsiya pero nahuli sila! Ang bagong utos ng NTC ay seryosong parusa na may kaugnayan sa hindi pagtalima ng SMNI sa naunang utos na nagsuspinde sa pag-ere nito. Pero nagsahimpapawid pa rin sa Region 6.

Sa nakalipas na mga buwan, nababansagan ang SMNI bilang ANG opposition channel, dahil sa pawang halatado at matapang na paninindigan nito na pro-Duterte. Kung hindi pa rin natututunan ng SMNI ang aral dito, mapagtanto sana nila sa lalong madaling panahon na ang pagtatanggol sa mga Duterte sa ngayon ay nag-eengganyo ng pansin mula sa Kongreso – ang kasalukuyang playhouse ni Speaker Martin Romualdez, na malinaw namang may niluluto para sa 2028.

Ang nakalulungkot ay ang ginagawang mga aksiyon ng NTC na nagdudulot ng nakababahalang halimbawa sa malayang pamamahayag, naglalantad na maging ang mga lehitimong media ay maaaring takutin ng mga awtoridad gaya kung paano nito ngayon ginigipit ang SMNI.

Siyempre naman, pupwedeng sisihin ang SMNI sa pagpapahintulot sa mga may kinikilingan at inaasintang komentarista raw na pumapel sa gawain ng mga tunay na mamamahayag sa kanilang himpilan, binalewala ang doktrina at prinsipyo ng mahusay na pamamahayag. Ngayon, inilantad nito sa alanganin ang kahinaan ng independent at tapat na media.

Marahil, isa iyan sa mga maaaring pagtuunan ng pansin ni UN Special Rapporteur for Freedom of Opinion and Expression Irene Khan habang bumibisita siya rito sa atin.

Handa ba ang gobyerno sa PUVMP?

Ang hindi nagmamaliw na paninindigan ng gobyerno sa Public Utility Vehicle Modernization Program ay hindi lamang isang polisiya; isa itong collision course na nababalot sa masakit na katotohanan. Mahigit 500 ruta ng mga public utility jeepneys at iba pang PUVs ang nahaharap sa tuluyang paglalaho, na magbubunsod upang mawalan ng pagkakakitaan ang mga tsuper.

Ang malinaw sa lahat sa ngayon, sa pag-aapura ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na magpatupad ng consolidation, kinapos ito sa pagtatantiya.

Ito ang dahilan kaya libo-libong kabahayan ang nalalagay ngayon sa alanganin, samantalang ang mga ipinangakong alternatibong trabaho ay kasing ilap ng kahandaan ng gobyerno. Ilang taong pinlano ang PUVMP pero umaalingasaw pa rin ito sa kawalan ng preparasyon at kawalang malasakit sa maaaring sapitin ng sektor na sinasabi nitong maiaangat ng programa mula sa kahirapan.

Ang pagpupumilit ng pamahalaan sa pagpapatupad ng consolidation ng mga prangkisa bago mag-Pebrero 1, na magreresulta sa pagpapatalsik sa mga jeepney sa lugar kung saan sila namamasada, ay wala sa hulog. Inamin na ng LTFRB na hindi pa nito nakumpleto ang kanilang route plan.

Ibig sabihin, titigil sa pamamasada ang mga jeepney sa daan-daang ruta para bigyang-daan ang hindi pinag-isipang mabuti na route rationalization plan. Patunay ito ng kawalang pakialam ng LTFRB. Pero sa halip na gawan ng paraang maitama, nanindigan pa ang pangunahing ahensiya nito, ang Department of Transportation, sa kanilang ipinagpipilitan, dedma sa tiyak nang kaguluhan at kalituhan sa lansangan.

Samantala, ang ibang mga kumikilos naman daw para resolbahin ang problema ay saksakan sa kabagalan. Kailangan nang mamagitan ng Korte Suprema at ng mga mambabatas upang maiwasan ang nakaambang kaguluhang pakana ng isang Department of Transportation at isang LTFRB na hindi naikasa ang mga kinakailangang paghahanda.

Pikit-mata na ang gobyerno sa pinaninindigan nitong PUVMP, isang kaduda-dudang agenda na magdudulot ng kaguluhan sa sistema ng ating transportasyon at kahirapan sa ating mga tsuper. Panahon na para sa isang recalibration na ang prayoridad ay ang taumbayan kaysa mga polisiyang wala sa hulog, kahit man lang habang kinukumpleto ang makatwirang pagpopondo para sa isang tunay at tapat na modernisasyon.

*         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

 

Previous article“LONG WEEKENDS” MALAKING TULONG SA TURISMO
Next articleAcosta to new PAO lawyers: Serve poor Filipinos 24/7