IGINIGISING ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology ang pagkakaroon ng sariling “The Big One” ng Mega Manila at Mindanao.
The Big One ang tawag ng Philvolcs sa malakas na lindol na magmula sa magnitude 7 pataas, gaya ng magnitude 7.2 sa Mega Manila na sumasakop ng Metro Manila at mga lalawigan ng Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna.
Kung iisipin, mga brad, marami nang beses na nagkaroon ng mga pagsasanay sa parte ng mga search and rescue group na binubuo ng mga pulis, militar, taga-Metro Manila Development Authority, Bureau of Jail Management and Penology, Bureau of Fire Protection at Department of Health.
Sa mga iskul, opisina, pabrika, mall at iba pa, may mga pagsasanay rin.
Ang mga pwersa ng pamahalaan, hindi maikakaila na maayos ang kanilang mga pagsasanay subalit ang mga sibilyan, mula sa mga bata at matatanda, nag-oopisina, obrero sa pabrika, mall at naninirahan sa mga condominium at iba pang matataas na gusali, tiyak na mahina at walang kalatoy-latoy.
Pruweba ng walang kalatoy-latoy na pagsasanay ang kawalan ng mabilis na pagtakas ng mga tao mula sa kanilang iskul, opisina, pabrika, mall, matataas na gusali, kasama na ang transportasyon gaya ng mga elevated train na LRT, MRT at iba pa.
Pagbaba at paglabas sa mga matataas na gusali at iba pa, naroroon lang sa paanan ng mga gusali ang mga tao at nakatingala.
Kahit may mga totoong lindol na tinatakasan ng mga ito.
Ang The Big One, kaunti lang ang diperensya nito sa naganap na lindol sa Turkey at Syria kamakailan at sa Baguio-Cabanatuan noong Hulyo 16, 1990.
Dapat lang na muling magsanay ang lahat at seryosohin ito upang kahit papaano maging handa tayo sa dalawang Big One na magaganap anomang araw mula ngayon.