Home METRO Menor-de-edad na suspek sa pagpaslang sa dentista sa Calapan City sumuko na

Menor-de-edad na suspek sa pagpaslang sa dentista sa Calapan City sumuko na

CALAPAN CITY, Oriental Mindoro – Sumuko na sa mga pulis ang isa sa mga suspek sa marahas na pagpatay sa isang prominenteng dentista sa lungsod na ito, nitong Biyernes ng gabi, habang tinutugis ang dalawa pang umano’y sangkot sa krimen.

Sinabi ni Police Lt. Col. Danilo U. Driz Jr., hepe ng Calapan City Police Station, na hawak na nito ang suspek na menor-de-edad, kabilang ang dalawang piraso ng alahas na ninakaw umano mula sa biktimang si Dr. Agustin Anacoreto M. Bolor, 63, na natagpuang patay nitong umaga ng Enero 14 sa loob ng silid ng kanyang clinic sa Barangay San Vicente Central.

Ayon kay Driz, nakatanggap siya ng tawag mula kay City Prosecutor Dorina H. Joya  nitong Biyernes ng alas-8:15 ng gabi na ipinagbibigay-alam sa kanya na nagdesisyong sumuko sa mga awtoridad ang isa sa mga suspek.

Nagtungo sina Driz, Joya, at grupo ng mga pulis sa tahanan ng suspek kung saan siya itinurn-over ng kanyang guardian.

Nagsagawa ng imbentaryo ang mga pulis sa mga ninakaw na kagamitan, na minarkahan at kinuhanan ng larawan sa presensya nina Driz at Joya.

Nagtamo si Bolor ng 50 saksak sa kanyang katawan.

Anang mga pulis, inisyal nilang tiningnan ang pagnanakaw bilang motibo sa pagpatay matapos matuklasang nawawala ang mga alahas jewelry, cellphone, at hindi natukoy na halaga ng pera ni Bolor.

Tinangay umano ng mga suspek ang laptop ng biktima na naglalaman ng mahahalagang ebidensya, kabilang ang surveillance footages.

Kilala si Bolor sa pagsusuot ng mamahaling alahas at paghahain ng Certificate of Candidacy sa pagka-presidente sa 2010 elections kung saan nagwagi si dating Pangulong Benigno S. Aquino III.

Subalit, diniskwalipika siya ng Commission on Elections sa pagiging nuisance candidate kasama ang 90 iba pa.

Nag-alok si Mayor Malou Morillo ng P300,000 pabuya, katuwang ang local Rotary Club, sa sinumang makapagbibigay ng impormasyong magreresulta sa pagkadakip sa mga suspek. RNT/SA

Previous article260K PWDs nabenepisyuhan ng ‘cash-for-work’ program – DSWD
Next articleLotto Draw Result as of | January 20, 2024