MANILA, Philippines – Isang 15-anyos na binatilyo ang nagtamo ng pasa at galos sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan matapos umanong bugbugin ng ilang miyembro ng maritime police sa Navotas.
Sa ulat, isinumbong umano ng ina ng biktima na ang kanyang anak ay pinalo, sinipa at hinampas pa ng isang mabigat na bagay ng mga miyembro ng Navotas Maritime Police nitong Biyernes, Agosto 25.
“Hinuli ‘yung victim dahil may nawawalang cellphone daw. May humataw sa kanya sa likuran, at the same time, may sumipa rin. ‘Yun ang pagkakasalaysay sa kaniyang statement,” sinabi ni Navotas Police chief Colonel Mario Cortes.
“Matigas na bagay daw, blunt. Kung baseball bat, kasama rin ho ‘yun sa isang titignan namin na imbestigation,” dagdag pa niya.
Dinala na sa ospital ang biktima at sinamahan ng Navotas Police patungo sa Maritime Police para ituro ang gumawa nito, ngunit sinabi ng biktima na wala ang isa man sa mga sangkot nang sila ay bumisita.
Kasunod nito, sinabi ng ina ng biktima na hindi na sila maghahain ng reklamo.
“Hindi niya na daw itutuloy kaya ‘yun ho ang isang kinadidismaya din ng ating mga imbestigador dito. Apparently, may kumausap yata sa kanya from some sort of namagitan, ‘yun ho ‘yung minsan ang tinatawag namin na ano eh, nagkaaregluhan or ayusan sila,” ani Cortes.
Patuloy namang iimbestigahan ng Navotas Police ang naturang insidente. RNT/JGC