Home METRO Metro Manila Subway, North-South Commuter Railway stations kakabitan ng platform screen doors

Metro Manila Subway, North-South Commuter Railway stations kakabitan ng platform screen doors

MANILA, Philippines- Maglalagay ng platform screen doors (PSD) sa lahat ng istasyon ng Metro Manila Subway at North-South Commuter Railway (NSCR) upang maiwasan ang pagkahulog ng mga pasahero sa riles, ayon sa opisyal ng Department of Transportation (DOTr) nitong Linggo.

Ang PSDs ay ang humaharang sa platform mula sa riles. Makikita ito sa ilang railway lines sa Asya at Europa.

SInabi ni DOTr Undersecretary for Railways Cesar Chavez na lalagyan din ang Metro Rail Transit Line 4 (MRT-4), na tatakbo mula Quezon City hanggang Taytay, Rizal ng PSDs sa lahat ng mga istasyon.

Inaasahan namang matatapos ang konstruksyon ng Metro Manila Subway, na bibiyahe mula Valenzuela hanggang Bicutan, sa 2028.

Samantala, ikokonekta ng 147-kilometer NSCR ang New Clark City sa lalawigan ng Tarlac sa Calamba sa Laguna, at inaasahang makukumpleto sa 2029.

Naputulan ng kaliwang paa ang 26-anyos na lalaki matapos tumalon sa southbound tracks ng LRT-1 Blumentritt Station nitong Sabado.

Sinabi ni Chavez  na magiging mahirap umano ang pagkakabit ng PSDs sa umiiral na LRT at MRT stations subalit masusi umano itong pinag-aaralan.

Sa ngayon, sinabi niya na patuloy na paaalalahanan ng security personnel sa lahat ng train stations ang mga pasahero na lumayo sa dulo ng platform habang papalapit ang tren.

“Mahihirapan tayong maglagay ng platform screen door, pero pinag-aaralan namin ‘yan sa ngayon,” ani Chavez.

Pinuri rin niya ang LRT-1 personnel na agad na rumesponde sa indibidwal na sangkot sa insidente nitong Sabado.

“Nais naming pasalamatan ‘yung operator ng LRT-1 sapagkat mabilis ang kanyang pagkilos. Alam ninyo ‘yung paghinto ng tren, hindi mo lang inililigtas ‘yung nagtangkang tumalon but at the same time, para ma-reduce ‘yung impact sa loob ng tren,” aniya. RNT/SA

Previous articleVina, pumalit kay Lea sa Broadway musical!
Next articlePBBM ‘under pressure’ sa mayayamang developers sa Manila Bay reclamation projects – Enrile