MANILA, Philippines – Nagtalaga na ng mga tauhan ang Department of Interior and Local Government (DILG) para panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa mga barangay sa papalapit na 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon kay National Barangay Operations Office Assistant Director Atty. Izza Marie Lurio, nagsasagawa na ng monitoring activities ang ahensya sa pamamagitan ng field officers nito.
“Nagsasagawa rin po ang DILG ng monitoring activities kaugnay naman po sa election – violation of election laws or election-related critical incidents — kung saan ang ating mga DILG field officers ay inatasan na agad na i-report sa iba’t-ibang ahensya ang mga critical incidents report,” ani Lurio sa isang forum nitong Sabado, Oktubre 21.
Aniya, ang kagawaran ang nag-uulat sa Philippine National Police (PNP) ng shooting incidents, harassment at political killings.
Dagdag pa niya, sila rin ang “in charge” sa mga tauhan na ipakakalat para panatilihin ang kapayapaan at seguridad sa halalan.
“Recently, nagsagawa din po ang DILG ng webinar wherein kinapacitate po natin ang ating mga barangay tanods and informed them kung ano nga ba ang roles nila during barangay election in terms of peace and security rin sa ating mga barangay,” sinabi ni Lurio.
Kung kinakailangan, magpapakalat pa sila ng karagdagang puwersa sa mga lugar na may naitalang election-related violence.
Nagpahayag naman ng suporta ang assistant director sa Kontra-Bigay program ng Comelec sa pagpapanatili ng integridad sa resulta at proseso ng eleksyon.
Ani Lurio, iniuulat din nila sa Comelec ang mga insidente ng premature campaigning, vote buying, vote selling, at iba pang ipinagbabawal na aktibidad.
Nagpapatupad din ang DILG ng webinar kaugnay sa vote buying and selling schemes.
Bagama’t masyado pang maaga para ikumpara ang kasalukuyang sitwasyon sa mga nagdaang eleksyon, sa ngayon ay mas maayos umano at mas kakaunti ang naitatalang paglabag sa election laws. RNT/JGC