Home OPINION MGA BAGONG AKO

MGA BAGONG AKO

TAPUSIN ko lang ang mga muni-muni ko ngayong Bagong Taon.   Ito ang mga bagay na tingin ko ay mga mahahalagang hakbang ng “self-improvement” o ang paglalakbay para mas mapabuti ang  pananaw, personalidad at pansariling mga kakayahan. Sigurado akong makatutulong ito kaninoman.

Tigilan ang masamang bisyo.  Pangunahin ang paninigarilyo, pag-iinom ng alak o paglalasing at pagsusugal.   Bukod sa malaking benepisyo nito sa pisikal na kalusugan, malaki rin ang matitipid sa pang-araw-araw na gastusin.  Iwaksi na rin ang mga bisyo ng katamaran, katakawan at pagiging marites.

Kumuha ng isang bagong skill. Hindi isyu ang edad mo rito.  Mag-aral ng gardening, pottery, carpentry o baking.  Kung medyo artistic ka, pwede mong tuklasin ang pag-drawing, photography o digital designing – mga libangang pwede ring pagkakikitaan. Basta kung ano ang gustong gawin na interesado ka rin.

Puntahan ang isang lugar na hindi pa nararating. Meron kang pinapangarap na lugar na gusto mo talagang marating.   Kung hindi lang rin isyu ang pera, huwag ka nang mag-dalawang isip, bumili ka na ng ticket at planuhin ang paglilibot na ito.   Pero kung walang badyet, search mo sa internet ang mga lokal na tourist spot sa inyong probsinya o malapit sa tirahan mo.  Baka magulat ka na andami palang mga nakatagong Paraiso na malapit lang.

Tikman ang isang bagong putahe ng pagkain. Dahil baguhan ka nga sa lugar na ngayon mo lang napuntahan, siguraduhing matitikman ang isang pagkain na doon lang makikita o hindi pangkaraniwan.   Baka mga exotic food o mga bagong pagluluto ng pagkain na hindi pa nalalasahan at baka hindi na muling malasahan pa.

Magbasa ng isang libro. Sa panahon ng digital media at online na impormasyon, baka bihira na nga ang mga nagbabasa ng libro.   Isang mahalagang kagawian ang pagbabasa ng libro.  Mahahasa nito ang iyong pang-unawa, lalawak ang bokabularyo at masasanay ang isip at mata mo na mag-focus.  Pwedeng nobela o kaya ay libro na may kinalaman sa gusto mong bagong skill o tungkol sa bagong lugar na pupuntahan mo pa lang.

Gumawa nang mabuti sa isang tao na hindi kailangan magpasalamat sa akin. Ito ang talagang gagawin kong misyon ngayong taon.  Sisikapin ko na magkawanggawa sa isang tao o pamilya, at hindi ko ilalantad na ako ang tumulong sa kanila.  Kahit na maliit na tulong lang, basta hindi nila kailangan magpasalamat sa akin.

Kayo, ano ang mga bagong gagawin nyo ngayon 2024?

Previous article55 TAON NA WALA NAMANG NANGYAYARI
Next articleIMPORTED AGRI-PRODUCTS VS LOCAL FARMERS