Home NATIONWIDE Mga bata handang ibalik ng DSWD sa QC orphanage kung..

Mga bata handang ibalik ng DSWD sa QC orphanage kung..

337
0

MANILA, Philippines- Inihayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Huwebes na handa itong ibalik ang mga bata sa pangangalaga ng Gentle Hands orphanage sa Quezon City kapag nakasunod ito sa guidelines at matugunan ang umano’y mga paglabag.

Nag-isyu ng cease and desist order laban sa ampunan dahil sa iba’t ibang rason, kabilang overcapacity at hygiene concerns.

“Yes, hindi natin inaangkin ang kustodiya ng mga bata. We want to make sure yung compliance ng safety nila,” pahayag ni DSWD Assistant Secretary Romel Lopez sa Laging Handa public briefing.

“The moment na [mag-comply sila], DSWD pa po ‘yung magbabalik sa mga bata. Tutulungan po ulit natin sila ng sa ganoon ma-incorporate yung mga bata sa pagbabalik nila uli doon sa kanilang facilities. Maaring maari po as long as compliant na sila.”

Sinabi ni Lopez na kabilang sa mga paglabag ng ampunan ang overcrowding, hygiene concerns, at kakulangan ng social workers.

Aniya pa, inilipat ang ilan sa mga bata sa Elsie Gaches Village sa Alabang, Nayong Kabataan sa Mandaluyong, at isa pang pasilidad sa Quezon City.

“So far ang mga bata maayos, nag-e-enjoy sila sa malalawak na fields, malalawak na playground dito. One thing nakikita namin baka mag-boost po yung kanilang enthusiasm at syempre mas mabilis yung adjustment nila sa bago nilang environment. Maayos ang ating mga kabataan, sila pinapakain, binibihisan, at may mga aktibidad na kasama na po,” paglalahad niya.

Gayundin, ayon sa opisyal, layunin ng presensya ng mga kapulisan sa rescue ang pagkakaroon ng kapayapaan at kaayusan.

“Papaliwanag ko rin po bakit may pulis. Kasama sa mga hakbangin ng DSWD sa lahat ng aktibidades nito kasama ang emergency management plan. Hindi po pwede pagnagkagulo na saka tatawag ng pulis,” aniya.

“Aside po doon may mga ambulansya tayo roon kasi may isa silang bata na  kailangan ng medical attention, may ambulansya po tayo roon, kasama po ito sa emergency planning po natin. Ayaw natin ma-caught off guard sa ginagawang pag-rescue sa mga bata,” dagdag pa ng opisyal.

Sinabi rin niya na iniimbestigahan nila ang mga alegasyon na ilang mga bata mula sa ampunan ang nawawala.

“‘Yan ang tina-try namin makuha yung whereabouts. We recently believe na nasa facility sila somewhere in Bulacan. ‘Yung ating regional director sa Region 3, kasi sa Bulacan po ‘yan ay in close coordination na po para ma-check ‘yung condition ng ating mga bata,” patuloy niya.

Binigyan ng DSWD ang Gentle Hands ng 20 araw para sumagot sa mga isyu na kinahaharap nila.

Sa ulart, sinabi ng executive director ng ampunan na si Charity Graff na hindi agad ipinagbigay-alam sa kanila ng ahensya ang mga isyu.

Aniya pa, hindi sila tinanong ng ahensya hinggil sa fire concerns. RNT/SA

Previous articleJimmy Santos, ibinida ang pangangalakal sa Canada!
Next articleNagbabadyang pinsala ni ‘Mawar’ sa agri, pinaghahandaan na ng DA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here