Home METRO Mga batang cancer patient pinasaya ng Santa cops

Mga batang cancer patient pinasaya ng Santa cops

MANILA, Philippines – Namahagi ng maagang pamasko sa mga batang pasyente ang kapulisan ng Manila Police District (MPD) upang maipadama ang diwa ng Pasko at pagmamahal sa mga musmos.

Sa pangunguna ni S/PMS Gerardo Tubera, Supervisor ng MPD-Dagupan outpost, bumisita at namahagi ito ng regalo sa mga bata mula sa Bahay Aruga (House of Care) sa San Marcelino St., Ermita, Maynila.

Ang naturang mga bata ay mga dumaranas ng sakit na cancer na patuloy na sumasailalim sa kanilang mahabang gamutan.

Kaya naman sa ganitong paraan sa pamamagitan ng pagbibigay ng munting regalo ay napasaya ni S/PMS Tubera ang mga pediatric cancer patients na pawang mga “out patient.”

Ang Bahay Aruga ay nagbibigay ng pansamantalang akomodasyon para sa mga batang may cancer na ginagamot sa Philippine General Hospital (PGH) na bumibyahe o nanggagaling pa sa malalayong lugar at probinsya.

Ito ay itinayo noong 2014 upang mabawasan ang paghihirap ng mga pediatric cancer patients na sumasailalim sa matagalang gamutan at chemotherapy.

Ayon kay S/PMS.Tubera, batid niya ang pinagdadaanan ng mga batang cancer patient kaya naman kahit sa munting regalo ay mapasaya sila at madama ang tunay na diwa ng Kapaskuhan.(Jocelyn Tabangcura-Domenden)

Previous article446 dagdag-kaso ng COVID; aktibong kaso sumirit sa 4,334
Next article12 pang Pinoy na naipit sa Israel-Hamas war nakauwi na ng Pinas