Home NATIONWIDE Mga biktima ng bagyo sa S. Kudarat, inayudahan ni Bong Go

Mga biktima ng bagyo sa S. Kudarat, inayudahan ni Bong Go

MANILA, Philippines – BINISITA ng Malasakit Team ni Senator Christopher “Bong” Go ang Kalamansig, Sultan Kudarat para magbigay ng tulong sa mga residenteng patuloy na nagrerekober sa pananalasa ng Bagyong Paeng.

Idinaos sa municipal covered court, tinulungan ng Malasakit Team ang 324 apektadong residente.

Nakatanggap ang mga benepisyaryo ng mga grocery pack, kamiseta, bitamina, meryenda, at bola para sa basketball at volleyball habang ang ilan ay nakatanggap ng relo, cellular phone, at isang pares ng sapatos.

Bukod sa ipinamahagi mula kay Go, nakatanggap din ang mga kwalipikadong benepisyaryo ng tulong sa pabahay mula sa National Housing Authority sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) ng ahensya.

“Isinulong natin ang programang EHAP noon at patuloy ko itong sinusuportahan ngayon upang matulungan ang mga biktima ng bagyo, sunog o anumang sakuna, na makabili ng materyales para sa bahay tulad ng yero, pako, semento, at iba pang kagamitan,” ayon kay Go.

Sa pamamagitan ng EHAP, bibigyan ng pagkakataon ang mga pamilyang nawalan ng bahay na makabangon muli.

Magbibigay ito ng tulong pinansyal upang mabili ang mga materyales na kakailanganin sa pagtatayo o pag-aayos ng mga nasirang tahanan.

Sa pamamagitan nito, sinabi ni Go na hindi lamang tinutulungan na magkaroon ulit ng maayos na masisilungan ang mga biktima ng sakuna, kundi binibigyan din ng bagong pag-asa.

Patuloy na isinusulong ni Sen. Go ang Senate Bill No. 188 na layong lumikha ng isang Department of Disaster Resilience.

Idinetalye ni Go ang mga potensyal na responsibilidad ng iminungkahing departamento na sasaklaw sa mga paghahanda bago pa ang mga sakuna, koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan, at mga diskarte para sa pagbangon pagkatapos ng mga sakuna, tulad ng mga baha, bagyo, lindol, pagsabog ng bulkan, at sunog.

Nag-alok din ng tulong si Go sa mga nangangailangan ng pangangalagang medikal. Binanggit ng senador na mayroong Malasakit Center na matatagpuan sa Sultan Kudarat Provincial Hospital sa Isulan.

Sa ilalim ng Republic Act No. 11463, na pangunahing inakda at itinataguyod ni Go, tinitiyak ng Malasakit Centers na ang mga programa sa tulong medikal ay abot-kamay ng mga mahihirap na pasyente.

Sa kasalukuyan ay nasa 159 ang Malasakit Centers sa buong bansa na nakatulong na sa mahigit 10 milyong Pilipino, ayon sa Department of Health (DOH). RNT

Previous articleTolentino panauhing pandangal sa Christmas Party ng Vice Mayors League
Next articleJonica Lazo, palaban sa hubaran!