MANILA, Philippines- Bilang paghahanda sa panahon ng tag-ulan na gustong-gusto ng mga lamok na may dalang dengue ay kinulambuan ng Pasay City Government ang mga silid-aralan upang mapigil ang pagdami ng kaso ng dengue.
Pinangunahan ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang pag-inspeksyon sa public schools na kinabitan ng Olyset Net ang mga bintana ng silid-aralan.
Ang Olyset Net ay isang produkto ng Japan na mabisang pangontra at pamatay sa mga mapanganib na lamok at langaw na maging sa bansang India ay ginagamit.
Sa ngayon, ang Pasay City sa pamamagitan ng programa ni Mayor Emi ay 100% nang nakapagkabit ng anti-dengue net sa 1,431 classrooms.
“Epektibo ang naturang net na kapag dumapo ang lamok at anumang insekto tiyak na mamamatay ito. Tatagal din ang bisa ng naturang net sa loob ng limang taon,” sabi ni Mayor EMI.
Aabot sa halagang P15 milyon, 30 public school sa Pasay na ang nakabitan at anim na lamang ang kasalukuyang kinakabitan ng kulambo kabilang na ang School for the Deaf.
Ipinag-uutos naman ni Mayor Emi ang seryosong pagpapatupad ng 4 o’clock habit program ng Department of Health (DOH) para masugpo ang dengue sa mga komunidad. Dave Baluyot