MANILA, Philippines – Magpapatupad muna ng “no visitor policy” ang Philippine Heart Center dahil sa muling pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.
Ang abiso ay inilathala sa kanilang website kung saan layon ng polisiya na maiwasan muna ang hawaan ng virus sa mga pasyente at medical workers.
“This will be done in order to prevent the spread of the disease amongst its clients, healthcare workers, support personnel; and to maintain full service delivery to its patients. We appeal for your understanding, and we apologize for any inconveniences that may arise. Thank you,” saad sa abiso.
Sa ngayon ay inaalam pa ng DOH kung paano naaapektuhan ng dami ng mga bagong kaso ng COVID-19 ang mga ospital.
Wala pang abiso ang National Kidney and Transplant Institute at Lung Center of the Philippines kung magpapatupad din sila ng kaparehong polisiya.
Samantala, sinabi ng Research Institute for Tropical Medicine na pansamantala muna nilang ititigil ang RT-PCR testing sa COVID-19 simula Mayo 18.
Wala namang dahilang ibinigay ang RITM kung bakit suspendido ang testing.
“Lubos naming inihihingi ng paumanhin ang abalang dulot nito. Ngunit, makaaasa ang lahat na pabibilisin ng RITM ang proseso ng pagpapabalik ng COVID-19 testing upang maipagpatuloy ang pagbibigay ng mga serbisyong pangkalusugan sa madla,” ayon sa RITM.