MANILA, Philippines – Inginuso ni Presidential Chief Legal Counsel Juan Ponce Enrile sa ilang mga tiwaling indibiduwal ang dahilan kung bakit hindi matapos-tapos ang problema ng bansa sa smuggling.
Winika ni Enrile na madali ang suhulan sa mga nasa likod ng nasabing katiwalian kaya’t hanggang ngayon ay hindi matuldukan ang problema sa pagpupuslit ng mga kontrabando sa bansa.
Ito’y sa kabila ng rin ng umano’y pamilyar na mga pangalan na nababanggit na sangkot sa operasyon ng smuggling.
Tinuran pa ni Enrile na nandiyan din ang aniya’y ilang walang mga konsensiyang negosyante na ang tanging iniisip ay ang kanilang mga sarili lamang at gagawin ang lahat, makalusot lamang sa pagbabayad ng kailangang buwis para sa pamahalaan.
Bukod dito, nasa enforcement din ang problema kaya’t nananatili ang problema sa pagpupuslit ng mga kargamentong pumapasok sa bansa.
Samantala, kamakailan lamang ay nag-utos na si Pangulong Ferdinand R. Marcos ng malawakang reporma sa burukrasya upang masawata ang talamak ng smuggling. Kris Jose