Mga direktor, grupo, bumubuo ng panuntunan sakaling bumalik na ang TV, movie shoots

Mga direktor, grupo, bumubuo ng panuntunan sakaling bumalik na ang TV, movie shoots

May 7, 2020 @ 5:41 PM 3 weeks ago

  • 3
  •  
  •  
    3
    Shares
Share

Manila, Philippines – Bumubuo na ng panuntunan ang Directors Guild of the Philippines (DGPI) at iba pang organisasyon sa loob ng local entertainment industry na susundin sakaling ibalik na ang produksyon ng pelikula at progarama sa telebisyon.

Ito ay matapos ianunsyo ng Malakanyang na maaaring bumalik ang mga ganitong aktibidad ngunit para lamang sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine sa ngayon.

Sa isang panayam, sinabi ni DGPI board member Joel Lamangan na sinusuri nila kung paano ito gagana lalo na’t itinigil din ng theater operators ang mga operasyon nito.

“Hindi lamang ito ang paggawa ng pelikula kung ‘di ang pagpapalabas ng pelikula. Isang malaking sistema ito kaya ito ay dapat bigyang pansin. Ang pagbubukas nito ay kailangang pag-aralang mabuti kung paano gagawin upang maging epektibo, upang maging kapani-paniwala,” aniya.

Sa kabila ng pagpayag sa muling pagsasagawa ng shooting, sinabi ni Lamangan na hindi ito magiging madali hanggat mayroon pa ring banta ng coronavirus.

“Ang DGPI ay kumikilala ng pagkakaisa upang makagawa ng patakaran o gabay kung paano makababalik muli sa paggawa ng pelikula, muli sa pagshu-shooting. Maraming paraan iyan. Kailangan magkaunawaan ang lahat ng kasapi sa industriya upang magkaroon ng patnubay at protocol kung paanong makagagawang muli,” pahayag pa nito.

Sinabi nitong kakailanganin nila ang tulong ng pamahalaan lalo na ang Department of Health sa pagbabalangkas ng mga kautusang ito.

“Kailangan may tulong mula sa DOH dahil sila ang nakakaalam. Kailangan sila ang magbibigay ng mga ano ang dapat at hindi dapat. Kailangan ng tulong ng bawat tao sa industriya mula sa producer hanggang sa kaliit-liitang trabahador na utility man or crowd man,” sabi pa nito.

Inisa-isa ni Lamangan ang mga bagay na kailangan nilang i-address sa pagbabalangkas ng kautusang ito.

“Ilang tao ang kailangan mag-shooting? Bibigyan ba ng test ang lahat ng sasabak sa shooting? Hanggang kailan ang shooting? Kailangan ba may mga kissing scene? Gaano ba kalapit ang bawat isa kapag nagsu-shooting na? Paano ang dating ng mga tinatawag naming mga equipment na galing doon sa kumpanya, lahat ba ito ay idi-disinfect?” giit ni Lamangan.

“Gaano ba katagal ang tinatawag nating quarantine bago pumasok sa pagshu-shooting. Ang isang komunidad ba ay iku-quarantine kung iyon ang location? Saan ang location? Ano ang treatment sa location? Paano ang treatment sa mga manggagawa sa loob ng isang shooting?” dagdag pa niya.

Ang lahat ng ito aniya ay kailangang ikonsidera sa paggawa ng ligtas na working environment para sa lahat. RNT/MM

Share

Leave a Reply

Loading...