MANILA, Philippines- Haharapin ng mga driver na tumukoy kay Senator Bong Revilla sa EDSA bus lane violation sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) officials ngayong araw upang sumuko, ayon kay MMDA Chairman Romando Artes nitong Huwebes.
“Nag-reach out na rin po ‘yung may-ari ng dalawang sasakyan na nag-name drop kay Senator Revilla. Pupunta po ‘yung driver mamaya. Before lunch daw po ay pupunta sila dito para po akuin ‘yung kanilang pagkakamali at mapatawan sila nang kaukulang penalty para d’on po sa paggamit ng bus lane,” ani Artes sa isang press conference.
Ayon sa MMDA chairman, nakipag-ugnayan ang may-ari ng mga sasakyan na nasita nitong Miyerkules sa pamamagitan ng kanilang “common friend.”
Wika ni Artes, parurusahan lamang ng MMDA ang mga driver para sa kanilang traffic violations subalit depende kay Revilla kung kakasuhan ang mga ito.
“Ipapadala po natin kay Senator Revilla at s’ya na po gumawa ng necessary actions sa nag-namedrop sa kanya,” pahayag niya.
Ani Artes, ipinatawag din ang traffic enforcers na nag-ulat kay suspended MMDA Task Force Special Operations chief Bong Nebrija na nasa loob ng sasakyan si Revilla, upang beripikahin kung ang mga indibidwal na haharap sa MMDA authorities ay ang mga nasita nitong Miyerkules.
Sinabi pa ng MMDA chairman na ikinakasa nila ang reklamong ihahain sa Land Transportation Office upang matukoy ang mga pangalan na ginamit sa vehicle registration.
Samantala, iginiit ni Artes na walang polisiya nag MMDA na nag-aabswelto sa government officials sa traffic violations dahil sa kanilang inter-agency courtesy.
Isa umano ito sa mga rason kung bakit isinailalim si Nebrija sa preventive suspension.
“Binanggit po ni Col. Bong Nebrija na may discretion ang MMDA kung sino ang huhulihin at kung may sakay na VIP–congressman o senator ay binibigyan ng kurtesiya. Wala pong ganong policy ang MMDA,” pahayag ni Artes.
“Kami po ay strictly ine-enforce kung ano ang listahan na binigay ng [Department of Transportation]. Kung wala po sa listahan na ‘yan ay di po pwedeng gumamit ng bus lane at kung gumamit po ay ilegal po ‘yan at kailangan tiketan,” dagdag niya.
“Walang tatangiin, walang sisinuhin. Unfair po ‘yan sa ating motorista na nahuhuli at natitiketan. Kaya po ‘pag wala po sa listahan, kailangan mong hulihin.”
Nitong Miyerkules, inanunsyo ni Artes na isasailalim si Nebrija sa preventive suspension simula ngayong Huwebes sa pahayag nitong nasita si Revilla sa pagdaan sa EDSA bus lane—ulat na mariing itinanggi ng senador.
Ayon kay Artes, hindi nakita ng enforcers at ni Nebrija kung nasa loob nga ng sasakyan si Revilla.
Posibleng abutin ng 15 hanggang 30 araw ang suspensyon, ayon kay Artes, dahil kailangan pa nila itong imbestigahan. RNT/SA