Home OPINION MGA GAWA, HINDI SALITA

MGA GAWA, HINDI SALITA

UMANI ng batikos si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa paggamit n’ya ng Presidential Helicopter para makapunta sa Philipine Arena sa Bulacan upang manood ng concert ng bandang “Coldplay” noong Jan. 19, 2024.  Umugong sa social media ang mga litrato ng netizens na nakuhanan ang chopper sa isang tagong lugar sa loob ng arena complex.

Hindi naman masama na mag-relax at manood ng concert ang Presidente ng bansa.  Karapatan din naman n’ya yon.  Kahit na nga ‘yung panunuod ng karera ng mga F1 na kotse at mga high-profile parties sa ibang bansa.   OK lang yan, kasi tao rin lang naman s’ya na gusto ring mag-enjoy sa mga hilig nya.

Ang tanong lang eh, ano ba epekto nito sa akin na ordinaryong mamamayan?  Meron din, kasi ang ginastos na pera para gamitin ang Presidential Chopper ay galing sa buwis natin.   So ikaw, ako, tayong lahat ang nagbayad nito.

Pangalawa, parang lumabag sa batas ang ginawang ito ng Pangulo.   Nakasaad sa Section 2 ng Administrative Order 239, series 0f 2008, na bawal gamitin ang mga sasakyan ng gobyerno para mga pribadong ganap tulad ng “receptions, balls, theaters” at iba pang pribadong gawain.  Sa pagkakaalam ko, hindi pa napapalitan ang polisiyang ito.

Kahit na nga ba sabihin pa ng Presidential Security Group o PSG na napilitan silang gamitin ang chopper dahil sa sobrang traffic papunta sa lugar ng concert at itinuturing nilang “security concern” ang pagbyahe ng Pangulo sa gitna ng trapik.

Sang-ayon ako sa komento ng maraming netizens na parang napaka-insensitive ng ganitong aksyon sa dinaranas ng maraming Pilipinong dinumog din ang konsyerto.   Pare-pareho naman silang fans, pero napaka-swerte yata ng Pangulo dahil espesyal ang pagdating n’ya doon, walang trapik-trapik. Sabi nga nila, sana ol.

At ‘yun din ang kakaibang nangyari sa gitna ng konsert, nang banggitin ng lead singer ng banda na alam n’ya na nangunguna ang Metro Manila sa may pinakamalalang trapik sa buong mundo.

Sa gitna nang pahirap ng araw-araw na trapik na hinaharap ng mga Pilipino, hindi ba naisip ni PBMM kung ano ang magiging imahe n’ya at ng kanyang pamilya sa ginawa n’yang paggamit ng chopper para lang dumalo sa konsyerto?

‘Ika nga n’ya mismo noong kampanya, “husgahan n’yo ako sa aking mga gawa, hind lang sa aking salita.”

Ano ang husga mo?

Previous articlePRO3 GINAWARAN NG ISO CERTIFICATE
Next articleDSWD AT DA KATUWANG NG LOCAL FARMERS