Home NATIONWIDE Mga guro, gov’t workers na nangasiwa sa Civil Service exam pinasalamatan

Mga guro, gov’t workers na nangasiwa sa Civil Service exam pinasalamatan

MANILA, Philippines – NAGSILBING punong-abala ang Civil Service Commission (CSC) sa ginanap na Career Service Exam – Pen and Paper Test (CSE-PPT) Professional at Subprofessional level sa labing-anim na rehiyon sa buong bansa noong Marso 3, 2024 kung saan naging katuwang nito ang mga guro at mga manggagawa ng gobyerno sa matagumpay na pagsasagawa ng nabanggit na civil service exam.

Nabatid sa CSC na sa 361,674 na indibidwal na nagparehistro para sa pagsusulit, 335,356 na indibidwal o 92.72% ang nagpakita sa 95 testing center, na may 297,955 indibidwal na kumuha ng CSE Professional Level at 37,401 para naman sa Subprofessional Level.

Nagpahayag ng pasasalamat at pagbati sa mga examinees si CSC Chairperson Karlo Nograles, na nag-inspeksyon sa aktwal na pagsasagawa ng mga eksaminasyon sa Kalibo, Aklan.

“Kami ay nagpapasalamat sa kooperasyon at disiplina ng mga examinees sapagkat naging matiwasay ang pagsasagawa ng CSC-PPT hindi lamang sa mga testing site na nabisita ko dito sa Region VI, kundi sa iba’t iba pang testing sites sa buong bansa,” ani Nograles.

Pinasalamatan din ni Chairperson Nograles ang mga guro sa pampublikong paaralan at iba pang empleyado ng gobyerno mula sa iba’t ibang ahensya dahil sa maayos na pagsasagawa ng naganap na pagsusulit.

“Nais kong bigyan ng pagkilala at pasalamatan ang mga public school teachers at iba pang kawani ng pamahalaan mula sa iba’t-ibang ahensya para sa paglalaan ng oras at pagtulong para sa maayos na pagdaraos ng pagsusulit na nagbunga ng matagumpay na Career Service Examination,” ayon kay Chairperson Nograles.

Sa mga rehiyon, ang National Capital Region ang pinakamalaking turnout ng examinees na umabot sa 54,467, na sinundan ng Regions IV at IX na may 40,546 at 23,322 na kumuha, ayon sa CSC.

Nabatid na bumisita rin ang iba pang opisyal ng CSC sa iba’t ibang testing centers para subaybayan ang pagsasagawa ng CSE-PPT at pinuri ang mga examinees at test administrators sa buong bansa.

Maging si Commissioner Aileen Lourdes Lizada ay bumisita din sa mga testing center sa Davao City, habang nagsagawa ng inspeksyon si Commissioner Ryan Alvin Acosta sa Cagayan de Oro City.

Napag-alaman sa CSC na nakatakdang ilabas ang mga resulta ng March 3, 2024 CSE-PPT sa May 12, 2024.

Ang ikalawang CSE-PPT sa taong ito ay naka-iskedyul sa Agosto 11, 2024, na may panahon ng aplikasyon mula Mayo 13 hanggang Hunyo 13, 2024. RNT

Previous articleHigit P470M kush mula Thailand nasabat sa Pinas sa nakalipas na 3 linggo
Next articleKauna-unahan sa Asean: e-Apostille service inilunsad ng DFA