IPINAALAM ni Vice President at DEPED o Department of Education Secretary Sara Duterte na magkakaroon ng isang “exclusive express lane” para sa mga guro ang GSIS o Government Service Insurance System sa lahat ng tanggapan nito sa buong bansa.
Ito ang nilalaman ng MOA o memorandum of agreement na nilagdaan nina VP Duterte sa kanyang kapasidad bilang DEPED secretary at ni GSIS president at general manager Jose Arnulfo “Wick” Veloso kamakailan.
Bukod sa express lane, dagdag pa ni PGM Veloso, magkakaroon ng DEPED personnel specific option sa GSIS hotline, maglalagay ng special officer na hahawak sa problema ng mga guro, at may taunang pag-uusap sa pagitan ng dalawang ahensya para sa higit na pagpapabuti ng serbisyo.
Nagpasalamat si VP/DEPED Secretary Duterte sa GSIS para sa mga inobasyon at hakbang na ginagawa nito para sa kapakinabangan ng mga guro.
Sa kabuuang 2.57 million na mga miyembro, higit sa kalahati ay miyembro ng GSIS. Kasalukuyan ding pinag-aaralan ng GSIS ang pagkakaroon ng “medical insurance for teachers” na hiwalay pa sa benepisyo mula sa PHILHEALTH.
Nais ng pamunuan ng DEPED at ng GSIS na pagaanin ang pang-araw-araw na buhay ng mga guro lalo ngayong ipinagdiriwang ang National Teachers Month ngayong buwan na magtatapos sa October 5 na siyang “International Teachers Day”.
ZERO CORRUPTION NA IMPLEMENTASYON NG
ANTI-HUNGER PROGRAM, IPINAG-UTOS NI PBBM
MAHIGPIT ang naging tagubilin ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. sa lahat ng mga ahensya ng pamahalaan na bahagi ng “Walang Gutom 2027: Food Stamp Program” o FSP na wala dapat anomang bahid ng korapsyon sa implementasyon nito.
Binigyang-diin ito ng Pangulong BBM sa kanyang pangunguna sa paglulunsad ng programa sa Dapa, Siargao Island, Surigao del Norte kamakailan.
Aniya, ginawa ang programa para matiyak na hindi lamang busog ang mga benepisyaryo kundi malusog, masigla at malakas na magagampanan ang pang-araw-araw na mga gawain.
Sa ilalim ng programa ay magkakaloob ng EBT o electronic benefit transfer cards ang mga napiling benepisyaryo.
Mayroon itong P3,000 na food credits kung saan 50% ay laan para sa carbohydrates-rich food, 30% na para sa protein at 20% na para sa prutas at mga gulay.
Pagmamalaki pa ni Pangulong BBM, hindi basta anti-malnutrition program ang FSP kundi isang pang-kabuuang anti-hunger program na nais maihangon sa kagutuman ang nasa isang milyong pamilyang Pilipino hanggang sa pagtatapos ng termino ng Marcos administration.
Kasabay nito ay nagpasalamat ang Pangulo sa ADB o Asian Development Bank, WFP o United Nations World Food Program, JICA o Japan International Cooperation Agency, at French Development Agency, at nangako na hindi masasayang ang pondo at pagtitiwalang ibinigay sa pamahalaan para matiyak ang pagkakaroon ng isang bagong Pilipinas na walang kagutuman.
Tiniyak naman ni DSWD o Department of Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian na gagawin niya ang lahat para maging malinis at maayos ang implementasyon ng programa.