MANILA, Philippines- Bibigyan ng emergency employment ang mga manggagawa sa pribadong sektor na naapektuhan ng magnitude 6.8 na lindol na tumama sa Sarangani, Davao Occidental noong Nobyembre 17, sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) noong Lunes.
Nasa ilalim ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ang employment assistance, ayon kay Secretary Bienvenido Laguesma.
Idinagdag ni Laguesma na hinihintay nila ang opisyal na report mula sa field office upang matukoy ang budget para sa emergency employment program.
Ang TUPAD community-based assistance program ay nagbibigay ng trabaho para sa 10 hanggang 30 araw. Nakabatay ang sweldo sa umiiral na minimum wage rate sa rehiyon.
Sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na 826 bahay ang nasira habang 2,489 pamilya o 12,885 katao sa 43 barangay sa Davao Region at Soccsksargen ang apektado ng lindol.
Batay sa ulat, siyam ang naiulat na nasawi. Jocelyn Tabangcura-Domenden