Home METRO Mga ipinapasadang e-trike hinuhuli na sa Taguig

Mga ipinapasadang e-trike hinuhuli na sa Taguig

MANILA, Philippines – Sinimulan na ng lokal na pamahlaan ng Taguig ang panghuhuli ng mga e-trikes (electric tricycles) na ginagawang pampublikong transportasyon na kumukuha ng mga pasahero sa lungsod.

Ayon sa datos na nakalap sa Taguig police at Southern Police District (SPD) mula sa Traffic Management Office (TMO) ay umabot na sa 21 e-trikes ang mga nahuli kung saan nitong Pebrero 19 ay apat na e-trikes ang hinuli sa Barangay Lower Bicutan at isa Barangay Napindan habang 16 naman ang nadakip na e-trikes nitong Pebrero 20 kabilang na dito ang 11 sa Barangay Lower Bicutan, tatlo sa Barangay Hagonoy at dalawa sa Barangay New Lower Bicutan.

Base sa inilabas na kautusan ng lokal na pamahalaan nitong Pebrero 18, inihayag ang pagpapatupad ng mahigpit na guidelines sa paggamit ng mga e-trikes para sa kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng kalsada.

Mahigpit ring ipatutupad ng Traffic Management Office (TMO at Land Transportation Office (LTO) ang regulasyon sa paggamit ng e-trikes base sa LTO Administrative Order 2021-039 o ang “Consolidated Guidelines in the Classification, Registration and Operation of All Types of Electric Motor Vehicles.”

Ang lahat ng e-trikes sa lungsod ay pinagbabawalan nang dumaan sa mga pangunahing kalsada sa lungsod kabilang na dito ang C6, C5 at Kalayaan Avenue maliban na lamang kung ang mga ito ay tatawid lang sa mga kalsadang nabanggit.

Hindi na rin papayagan ng lokal na pamahalaan ang pamamasada ng mga E-trikes para kumuha ng mga pasahero bilang pampublikong transportasyon at lilimitahan ang paggamit nito bilang pang personal na gamit lamang.

Nakasaad din sa guidelines ang pagbabawal ng pag-modify at pagbabago ng disenyo ng e-trike tulad ng pagkakabit dito ng sidecar.

Idinagdag pa ng lokal na pamahalaan na kasama din sa kautusan ang paggamit ng mga drayber at pasahero ng e-trikes ng helmet pati na rin ang paggamit ng kanang bahagi ng kalsada upang hindi makaabala sa mga motorista at maging maayos ang daloy ng trapiko.

Papayagan din sa Taguig ang pagdaan ng mga e-trikes sa bike lanes ngunit sa mabagal na takbo lamang at mabigyan ng prayoridad ang pagdaan ng mga siklista.

“Mayroong karampatang parusa ang hindi susunod sa mga nabanggit na regulasyon,” ani pa ng lokal na pamahalaan.

Para sa mga katanungan, reklamo o suhestiyon ay maaaring tumawag ang publiko sa 02-8640-7006 o dili kaya ay magtungo sa http://www.tinyurl.com/TaguigEtrikeFeedbackForm. James I. Catapusan

Previous article3 sugarol ng tong-its, tiklo
Next articleBRC probe vs katiwalian sa Marcos admin, walang sasantuhin – Pia