Home HOME BANNER STORY Mga isyu sa LTMS pinuna ng ilang mambabatas

Mga isyu sa LTMS pinuna ng ilang mambabatas

MANILA, Philippines – Pinuna ng ilang mambabatas ang mga isyu na bumabalot sa Land Transportation Management System (LTMS).

Sa pagpupulong ng House Committee on Transportation upang tugunan ang mga isyu sa Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Office (LTO), binanggit ni SAGIP party-list Representative Rodante Marcoleta, ang pinakabagong Audit Observation Memorandum (AOM) ng Commission on Audit (COA), na nagpapakitang ang actual delivery period ng milestones sa ilalim ng LTMS project mula sa German information technology contractor na Dermalog ay lumampas sa “allowable time extension.”

Ito ay hindi maituturing na compliant sa Government Procurement Manual Volume 2.

Iniulat ng COA reported na ang Milestones 1 at 3 ng LTMS ay na-delay mula 165 araw at 756 araw.

Ani Marcoleta, batay sa LTMS contract, awtorisado ang LTO na maningil ng nararapat na rate ng liquidated damages mula sa contract price kung maaantala ang paghahatid ng mga produkto at serbisyo, at sa oras na maabot ang ‘maximum limit’ ay maaari nang kanselahin ng LTO ang kontrata.

Sa pagpupulong, sinabihan ni Marcoleta si LTO chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II na batay sa kanyang pagtaya, ang total liquidated damages cost ay kasalukuyan nang umaabot sa P3.19 billion, lampas sa maximum allowable amount.

Anang mambabatas, maaaring legal na kanselahin ng LTO ang kontrata sa LTMS.

Maliban kay Marcoleta, sinita rin ni Sta. Rosa City Representative Dan Fernandez ang mga representative ng Dermalog sa paulit-ulit na pagsisinungaling sa pagsasabing 100% functional at may full access sa sistema ang LTO.

Sinabi rin ni Mendoza na may natukoy na 130 isyu ang LTO na dahilan upang hindi maging fully functional ang LTMS.

Isa na rito ay ang pagpalya umano na makapagbigay ng accurate computation ang LTMS sa Motor Vehicle User’s Charge (MVUC), na maaaring makapagsingil ng mali sa publiko at makaapekto sa tax collection ng pamahalaan.

Dagdag pa, wala ring full system access ang LTO sa LTMS kaya hindi ito makapagbabago ng anuman sa sistema nang walang tulong mula sa Dermalog.

Sa pagkakaroon sana ng full system access, maaaring ayusin o baguhin ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang sistema, upang mas mabilis na makatugon ang LTO sa mga pangangailangan ng mamamayan nang walang karagdagang gastos.

Sa kasalukuyan, ang change order requests ng LTO sa Dermalog ay umaabot na sa P620 milyon.

Ipinag-utos na ni House Committee on Transportation chairperson at Antipolo City 2nd District Representative Romeo Acop sa LTO, DICT at Dermalog na magpulong at resolbahin ang mga isyu ng LTMS sa susunod na dalawang linggo.

“We recognize the data belongs to the LTO, but under our contract, it is not until the system is completely turned over to the LTO that the database will be completely turned over. This is because it is part of the system that will be turned over after the maintenance period has been completed,” saad sa pahayag ng Dermalog.

“The data, of course, is the data of the Philippine people, and the system, LTMS, is owned by the Philippine government. It cannot be turned over because it is already with the LTO. What you are talking about is the source code. As long as we have to and love to maintain the system, it should be in one hand. It should not be taken by different people,” dagdag pa.

Magpapatuloy ang pagdinig ng komite sa mga isyu sa LTMS sa unang linggo ng Marso at plano nitong imbitahan ang German owners ng Dermalog upang personal na sagutin ang mga alegasyon, kabilang ang kanilang terminated projects sa iba pang bansa gaya ng Indonesia. RNT/JGC

Previous articleNHCP nagdaos ng seremonya sa EDSA People Power anniv
Next articleLanao del Norte sa barangay officials: Magbantay sa banta ng terorismo