MANILA, Philippines – MALAKI ang posibilidad na ang mga naani na corals mula sa bahagi ng West Philippine Sea (WPS) ay ginagamit ng Tsina bilang materyal para sa dekorasyon, ornaments, at alahas, ayon kay maritime law expert Jay Batongbacal.
Sinabi ng Armed Forces of the Philippines Western Command (AFP-WesCom) na may mga kaso ng massive coral harvesting sa kahabaan ng Rozul (Iroquois) Reef na nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
“‘Yung habol nila ‘yung mga giant clams sa ilalim ng reef. Pangalawa ‘yung mismong coral, kinukuha din nila at ‘yung mga species doon,” ayon kay Batongbacal sa Kapihan forum.
“Lahat po ‘yan ginagamit nilang material panggawa ng dekorasyon. Pinangpapalit nila sa ivory, ginagawa nilang mga estatwa, mga palamuti. Tapos ‘yung mga coral, ginagawa nilang jewelry at kung ano ano pang mga bagay,” dagdag na wika nito.
Ipinaliwanag ni Batongbacal, isa ring director ng University of the Philippines (UP) Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea, na ang pag-aani ng mga corals ay maaaring makaapekto sa kapaligiran, at maging sa food security ng bansa.
“‘Yung habitat ng fisheries nawawala so nababawasan ‘yung kakayahan ng mga pangisdaaan na magpatuloy na mag-regenerate. Taon taon, bale parang nababawasan ang kanilang capability para ma-maintain ‘yung populations nila,” ani Batongbacal.
Tinuran ni AFP-WesCom Vice Admiral Albert Carlos na nadiskubre ang massive coral harvesting ng China nang ipadala ng military ang mga divers “to do an underwater survey” matapos na maiwan ang Chinese militia vessels sa nasabing lugar.
“And nakita namin wala na ‘yung mga corals. Nasira na ‘yung mga corals and may debris,” aniya pa rin.
Nilinaw naman ni Carlos na hindi ‘conclusive’ kung ang Chinese vessels ay responsable para sa paga-ani ng mga corals mula sa Rozul Reef.
“Suspetsa palang natin, we are not saying they [Chinese vessels] are harvesting our corals. We suspect that somebody is harvesting our corals and that means they are violating our sovereign rights,” ayon kay Carlos.
Samantala, bilang reaskyon naman sa di umano’y pag-aani ng China ng coral mula sa West Philippine Sea, sinabi ni Japan’s Ambassador to the Philippines Kazuhiko Koshikawa sa kanyang Twitter account na ang pinakabagong development ay “very alarming news.”
“Our oceans are the lifeblood of our planet, & coral reefs are its colorful heartbeats. Let’s preserve & protect these vital ecosystems for generations to come,” ayon kay Koshikawa.
Ang naging tugon naman ng Chinese Embassy Manila sa Twitter account sa tweet ng Japanese envoy ay “People should be alarmed by the spreading of such disinformation. Oceans are indeed the lifeblood of our planet. So stop the release of contaminated nuclear water from Fukushima.” Kris Jose