Home NATIONWIDE Mga kongresista dawit sa pekeng ‘PI’ – Villanueva

Mga kongresista dawit sa pekeng ‘PI’ – Villanueva

Manila, Philippines- Inihayag ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na nakatanggap ang Senado ng napakaraming reklamo at ebidensya na nag-uugnay sa mga miyembro ng Kamara na silang nasa likod ng tinatawag niyang “pekeng” people’s initiative na aniya’y isang proseso na puno ng panunuhol at panlilinlang.

Sa isang media forum, ibinunyag ni Villanueva na mayorya ng mga nagbabahay-bahay para sa PI ay mga tauhan ng mga kongresista at maging ang mga ito’y hindi batid ang nilalaman ng mga dokumentong kanilang inilalako.

Binigyang-diin ng lider ng Senado na may mga kongresista rin na nangungumbinsi sa mga alkalde para suportahan ang PI kung saan itinatago ang totoong pakay nito sa likod ng isang simpleng “signature campaign.”

“Ang bottomline lang kaya ko sinasabing importanteng alam natin sino ang nasa likod nito dahil peke nga itong inisyatibang ito hindi nanggaling sa taumbayan,” ani Villanueva.

“Pagyurak ito sa karapatan ng ating mga kababayan, higit sa lahat pagnanakaw ito doon sa oportunidad na dapat binibigay ng lingkod bayan sa ating mga kababayan,” lahad pa niya.

Ibinunyag din ng senador na may mga nangangamba rin na mga kongresista tungkol sa unethical practices kaugnay sa pagsusulong ng PI.

Hawak din umano niya ang voicemails mula sa ‘di bababa na tatlo hanggang apat na kongresista na nagdadawit sa kanila sa maeskandalong aktibidad para baguhin ang Saligang Batas.

Ang mga ebidensyang tinutukoy ni Villanueva ay e-mails, Facebook messages, text messages, at voicemails, at nanggaling ang mga ito sa Caloocan, Cavite, Pasay, Laguna, Bulacan, at Pampanga.

Sinabi ng mambabatas na hindi biro-biro ang mga nakalap nilang reklamo dahil naglalaman ito ng panunuhol, pagsasamantala, pangingikil, at pag-abuso sa kapangyarihan.

“[Ito ay] panlalamang, panggagantso, pananamantala kaya nga ho sila nagrereklamo,” aniya.

Kaugnay nito, nakatakdang magsagawa ang Senado ng pagsisiyasat kaugnay ng isyu na pangungunahan ng Senate committee on electoral reforms and people’s participation na hawak ni Sen. Imee Marcos. RNT

Previous articleGenocide ipinatitigil sa Israel
Next articleAntipolo Cathedral idineklarang int’l shrine