Home OPINION MGA LUMANG DYIP, GUMUGULONG NA ATAUL?

MGA LUMANG DYIP, GUMUGULONG NA ATAUL?

INIISIP ng jeepney drivers at mga operaytor na ang paglulunsad ng pamahalaan ng Public Utility Vehicles Modernization Program ay upang kumita lang mula sa buwis sa pagbili ng mga sasakyan at sa kikitain ng bangko na magpapaluwal sa mga kooperatiba na tatangkilik nito.

Kurutin kaya natin ang singit ng mga nag-iisip ng ganito? Ang dapat isipin ay ang hindi pambabalewala ng gobyerno sa kaligtasan at seguridad ng mga mananakay. Sila, na pagsisilbihan ng mga modernong sasakyan, ang dapat unang isaisip dahil sila ang susuporta at tatangkilik ng bagong lunsad na programa sa transportasyon.

Sabi nga ni Elvira Medina, convenor ng  National Center for Commuter Safety and Protection, Inc., sa isang press conference ng Capstone-Intel Corporation, ang mga luma at tradisyonal na jeep ay hindi ligtas para sa commuters dahil sa lumang disenyo at takbo nito bunga ng itinagal na ng serbisyo nito na halos ang iba ay umaabot na sa mahigit 50 taon.

Ayon pa kay Medina, panganib na ang magiging dulot nito sa mga mananakay dahil sa hindi na ligtas na ‘feature’ nito.

Giit pa ng convenor, ipinayo niya sa mga magulang na huwag hayaang sumakay ang mga anak nila sa mga lumang jeep dahil wala itong handbrake at karamihan sa mga upuan ay hindi nakawelding sa katawan mismo ng dyip.

Kapag nagkaroon nga naman ng disgrasya, pwedeng tumalsik sa malayo ang inuupuan sa sinasakyang jeep kasama ang kawawang pasahero.

Eh ‘di para nga namang tumatakbong ataul o kabaong ang luma at tradisyonal na jeep. Siyempre, wala sa atin ang naghahanap ng sariling kamatayan.

Bilang mananakay na nagbabayad ng pasahe upang makarating sa paroroonan, nais nating ligtas at sulit ang ating inilabas na pera.

Sino ba ang gusto ay maharap sa panganib ang buhay? Natural, lahat ang gusto ay ligtas.

Bakit nga ba mahalaga ang kaligtasan ng mga pasahero? Simple lang, kasi mga tao sila. Kung mga bagay ang mga ‘yan, kahit tumalsik-talsik o tumalbog-talbog, hindi masasakyan. Pero kahit bagay nga kapag hindi iningatan ay napipingasan o kaya ay nagkakaroon ng ‘damage’, ang tao pa kaya?

Ang pasahero ang dahilan kung bakit may negosyo at trabaho ang drivers at operators kaya dapat na tangkilikin ang modernisasyon sa transportasyon dahil ditto nakatitiyak na ang karagdagang kaligtasan nila dahil sa ilang features na idaragdag tulad ng anti-lock braking system, speed limiter at mga tulad na sistema sa kaligtasan.

Kailangan natin na upgraded ang transport system natin at ang standard nito ay hindi local subalit international.

Iyon nga lang sumakay sa mga pampasaherong jeep sa Cubao patungong Marikina o kaya ay Cainta o Antipolo ay sobrang sakit na sa ulo dahil sa sobrang lakas ng ‘sounds’ at nakaiiritang tambutso, paano pa yung ibang nagkakarera?

Mas maganda na talaga ang pagtangkilik sa modern jeepney ngayon na bukod sa air-conditioned na ay hindi pa siksikan ang mga pasahero kahit pa sabihing nakatayo ang iba.

Dito, maiiwasan na rin ang madukutan dahil hindi ka masisiksik ng katabi mo. Buking kaagad ang mandurukot at hindi kaagad makatatakas sakaling makapandukot man.

Lamang, dapat ay balansehin ang modernisasyon ng mga pampasaherong jeepney. Kailangan pa rin ang pagkakakilanlan ng mga pampasaheong sasakyan na ito ay Pilipino jeepney.

SALAMAT SA PAMASKO

HINDI lang ang National Capital Region Police Office Press Association, pinamumunuan ng inyong Pakurot, ang nagpapasalamat sa mga natanggap na aginaldo para sa mga miyembro nito.

Nagpapasalamat din ang inyong lingkod  sa mga tumugon sa mga kahilingan upang maging masaya ang Christmas Party ng ating tanggapan – Remate, Ang Dyaryo ng Masa.

Maraming salamat kay Bong Padua, kolumnista ng Remate, na nagpursige upang makapag-solicit sa mag-amang Caloocan City 1st District Representative Congressman Oscar “Oca” Malapitan at Caloocan City  Mayor Gonzalo Dale “Along” Malapitan.

Salamat din po sa mga kolumnista na nagbahagi ng panraffle sa party na ginanap noong Disyembre 22 sa mismong National Press Club Building sa 4th Floor.

Pero higit ang pasalamat sa editor in chief na si NPC President Lydia Bueno at kabiyak na Managing Editor Fred Cabalbag. Lalong salamat ng malaki kay Remate President Benedict Antiporda.

Salamat sa hindi paglimot sa iyong mga tauhan at naging kasama Undersecretary/ Boss Benny Antiporda na hindi nakatiis na hindi sumilip at  maglabas ng sariling pera upang maging masaya at buhay na buhay ang  party.

At sa iba pang nagpaabot ng kanilang mga pa-raffle at biyaya sa mga empleyado na pawang hindi umuwing luhaan. Salamat!

Salamat din sa lahat ng mga taga-Remate na hindi bumibitiw sa kanilang trabaho at tiwala sa dyaryo. Salamat sa inyong lahat. Kapit lang tayo at hindi naman tayo pinababayaan ng ating mga kasama at lalo na ang mga boss.

 

Previous articleQC IS  MOST BIKE-FRIENDLY CITY
Next articleTUNAY NA DIWA NG PASKO