MANILA, Philippines – UPANG matulungang mapaunlad ang kabuhayan ng mga magsasaka, pitong agrarian reform beneficiary organizations (ARBOs) sa Tarlac ang nakatanggap ng P4.3 milyong halaga ng organic fertilizers, farm machineries and equipment (FMEs) mula sa Department of Agrarian Reform (DAR) upang mapabuti ang produktibidad at kalidad ng buhay ng 462 miyembrong agrarian reform beneficiary (ARB).
Kaugnay nito, nagpahayag ng pasasalamat sa DAR si Rosemilmar P. Eugenio, Chairperson ng Sta. Ines Golden Grains PMPC mula sa Sta. Ignacia, sa suportang natanggap ng kanilang kooperatiba.
“Kami ay nagpapasalamat sa DAR sa malaking tulong para sa aming kooperatiba, makatitiyak po kayo na ang kagamitan na aming natanggap ay aming pananatilihin at aalagaan upang mapahusay ang produktibidad ng agrikultura sa mga lupang iginawad sa mga ARB,” ani Eugenio.
Samantala ayon kay Marie Louie P. Cabantac, Provincial Agrarian Reform Program Officer, ang mga FME na ito ay bahagi ng major-crop based block farm productivity enhancement project sa ilalim ng Climate Resilient Farm Productivity Support (CRFPS) at Sustainable Livelihood Support for Disaster Affected Areas (SLSDAA) ng DAR.
“Ang CRFPS ay nagkakaloob ng mga makinang pangsaka, sa pamamagitan ng mga ARBO, upang mapabuti ang produksiyon sa sakahan at tumaas ang kakayahang kumita ng mga ARB,” ani Cabantac.
Hinikayat niya ang mga ARBO na lumikha ng kanilang mga patakaran sa pagpapatakbo upang mapakinabangan ang mga kagamitan at makatulong para mapataas ang kita ng kanilang mga miyembro at kanilang asosasyon.
Namahagi ang DAR ng 40 horsepower farm tractor na may rotavator bawat isa sa San Sotero PMPC at Sta. Ines Golden Grans PMPC, na parehong matatagpuan sa Sta. Ignacia; 8hp diesel-engine na may accessory na shallow tube well at knapsack sprayer sa Magao Ortillano Modernong Magsasaka Association, sa Concepcion at Nilasin 1st Pura Farmers Association, Inc., sa Pura; 8hp diesel engine water cooled hand tractor na may mga gamit at 8hp diesel-engine na may accessory na shallow tube well sa San Juan Farmers, sa San Jose at Gintung Butil Tiller Farmers Association sa La Paz; at 8hp diesel-engine with accessories na shallow tube well to Nagkakaisang Farmers ng Parulung Agriculture Cooperative in Concepcion. Santi Celario