MANILA, Philippines – HINIKAYAT ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak laban sa tigdas, tigdas-hangin at polio.
Sa isang video na naka-upload sa kanyang official Facebook page, sinabi ng Pangulo na dapat na samantalahin ng mga magulang ang Department of Health’s (DOH) month-long “Chikiting Ligtas” program na naglalayong protektahan ang kanilang mga anak mula sa vaccine-preventable diseases.
“Bilang mga magulang, nasa atin ang responsibilidad na proteksyunan ang ating mga anak laban sa sakit. Hangad po nating magkaroon ng ligtas na kapaligiran at malusog na pangangatawan ng bawat batang Pilipino,” ayon sa Pangulo.
“Kaya ngayong buwan ng Mayo, makiisa po tayo sa kampanya ng Kagawaran ng Kalusugan laban sa tigdas, rubella at polio,” dagdag na wika nito.
Ang nationwide Chikiting Ligtas 2023 ay naglalayong bakunahan ang 95% ng kabuuang populasyon na mga bata na ang edad ay mula 0 hanggang 59 buwang gulang laban sa polio at 9 hanggang 59 buwang gulang laban sa tigdas at tigdas-hangin.
Tiniyak naman ni Pangulong Marcos sa mga magulang na ang bakuna laban sa nakahahawang sakit ay “libre, ligtas at epektibo.”
“Libre, ligtas at epektibo ang mga bakunang ito kaya wala po kayong dapat ikabahala. Magtungo lamang po tayo sa pinakamalapit na health center o mga itinalagang vaccination site sa ating barangay ,” ani Pangulong Marcos.
“Huwag po nating hayaang malagay sa panganib ang ating mga anak dahil sa tigdas, sa rubella, o sa polio. Tiyakin po nating mabakunahan ang mga kabataan sa ilalim ng ating Chikiting Ligtas program ,” dagdag na wika ng Panvulo.
Samantala, nasa pangalawang puwesto naman ang Pilipinas sa East Asia and the Pacific Region at pang-apat naman sa buong mundo pagdating sa mga bansang mayroong mataas na bilang ng mga bata na may zero vaccination doses sa pagitan ng 2019 at 2021, ayon sa data mula sa United Nations International Children’s Emergency Fund. Kris Jose