Home NATIONWIDE Mga mangingisdang Pinoy ‘di na makapangisda sa Scarborough Shoal dahil sa China...

Mga mangingisdang Pinoy ‘di na makapangisda sa Scarborough Shoal dahil sa China – AFP

392
0

MANILA, Philippines – Hindi na makapasok ang mga mangingisdang Pinoy sa Scarborough Shoal para makapangisda dahil sa patuloy na presensya ng mga barko ng China doon.

Ito ang inihayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Linggo, Setyembre 10.

Ani AFP spokesperson Colonel Medel Aguilar, tila iniinsulto ng China ang Pilipinas sa pagpigil sa mga Filipino na makapangisda sa Scarborough Shoal, o kilala bilang Panatag Shoal o Bajo de Masinloc.

“May mga lugar naman na nakakapangisda ang ating mga kababayan, pero hindi doon sa lugar na kung saan mas nasasabi nilang maraming isda, katulad sa Scarborough Shoal,” ani Aguilar.

“Hindi na sila makapasok dahil nakaharang na ‘yung mga maritime militia at saka mga Coast Guard vessel ng China doon,” dagdag pa niya.

Nanghihinayang si Aguilar na hindi na nakakapangisda ang mga Filipino sa Scarborough Shoal lalo’t mayaman ito sa maritime resources.

“Nakapanghihinayang din pero tignan natin kung ano pa ang mga susunod na mangyayari kasi hindi naman tayo papayag na ganyan na lang palagi,” aniya.

“Parang iniinsulto na tayo sa kanilang ginagawa na alam naman nila na walang basehan ang kanilang claim ng territory,” pagpapatuloy niya.

Wala pang tugon ang Chinese Embassy kaugnay nito. RNT/JGC

Previous articleAktibong partisipasyon ng Chinese militia sa Ayungin, kumpirmado!
Next articleForeign Affairs secretary bibisita sa Argentina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here