
SINABI ng BSP o Bangko Sentral ng Pilipinas na malaki ang naitulong ng pagpaparehistro kaugnay sa Philippine Identification Systems sa paglago ng BDAs o basic deposit accounts na umabot sa 170% o 21.9 million hanggang nitong March 2023.
Base sa datos, ang BDAs sa unang bahagi ng taong 2022 ay nasa 8.1 million lamang.
Nasa kabuuang P27 billion ang kabuuang BDA deposits sa pagtatapos ng unang bahagi ng taong 2023 mula sa dating P5.1 billion noong taong 2022 o pagtaas ng 432%.
Naging positibo ang resulta ng estratehiyang ginawa ng PSA o Philippine Statistics Authority at LBP o Land Bank of the Philippines na nag-engganyo sa mga wala pang bank accounts na Pilipino na magbukas at maging bahagi ng financial system matapos silang makapagrehistro at makuha ang kanilang biometrics.
Sa kasalukuyan ay mayroong 158 bank institutions na nag-aalok ng BDAs.
Pinayagan ng BSP ang pagkakaroon ng BDAs noong taong 2018 para sa mga low-income individual na makapagbukas ng account na mayroong low-opening requirement na P100.00 o mas mababa pa na walang maintaining balance at dormancy charges.
At kahit pa walang maintaining balance ay may insurance pa rin ito mula sa PDIC o Philippine Deposit Insurance Corporation at ang ibang bangko ay nagbibigay pa ng interest-earning capability.
“OTOP” GANAP NANG BATAS
ISA sa mga pinakabagong batas na nilagdaan ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. kamakailan ay ang Republic Act No. 11960 o ang “One Town, One Product Philippines Act” na naglalayon na matulungan ang mga MSME o ang micro, small and medium enterprises na tuluyang makabangon mula sa hagupit ng COVID-19 pandemic.
Ipinag-uutos ng bagong batas ang paggamit ng lokal na mga manggagawa, materyales, mga produkto, at paglalaan ng mekanismo at simpleng mga proseso para makipagsabayan sa ibang mga produkto.
Inaasahan na ang OTOP law ay lilikha ng maraming trabaho sa mga lokalidad na magpapasok ng kita at magpapatatag sa ekonomiya ng bansa. Saklaw ng programa ang mga produktong napabantog na sa lokalidad gayundin ang mga kasanayan at mga serbisyo, katulad ng processed foods, agricultural-based, home and fashion, arts and crafts, at mga kasanayan.
Maglalaan din ang OTOP law ng kakailanganing pondo para makapagkaloob ng insentibo at pondo sa mga MSME para makalikha ng bago at mas angkop na mga produkto sa merkado o higit na pag-aayos ng mga kasalukuyang produkto na may kinalaman sa kalidad, disenyo, pakete, pagsunod sa mga regulasyon, pagpaparami ng produksyon, marketability at brand development.
Inaasahan na makikinabang sa OTOP law ang mga nasa kanayunan at mga katutubo, at magkakaroon ng pagtutulungan sa pagitan ng LGU, national agencies, at pribadong sektor.
Ang DTI o Department of Trade and Industry ang siyang pangunahing magpapatupad ng batas sa pamamagitan ng bu- buuing OTOP Program Management Office.
Nakatakdang maglagay ang kagawaran ng OTOP Philippines Trustmark para maseguro na ang mga produkto sa ilalim ng programa ay base sa international standard.