Home NATIONWIDE Mga nakaligtas sa Mamasapano clash ‘wag ding kalimutan – Train

Mga nakaligtas sa Mamasapano clash ‘wag ding kalimutan – Train

MANILA, Philippines- Hindi rin dapat kalimutan ang sakripisyo ng mga nakaligtas sa 2015 Mamasapano clash, ayon sa isa sa survivors na si Oplan Exodus operator Police Lieutenant Colonel Raymond Train nitong Huwebes.

Sa seremonya kung saan ginunita ang 9th anniversary ng engkwentro, sinabi ni Train na binigyang-pugay na ang 44 miyembro ng Special Action Force na nasawi sa sagupaan sa nakalipas na siyam na taon.

“Ngayong taon, gusto ko sana namang pasalamatan at bigyang pugay ang aking mga kasamahang nabuhay,” giit niya.

“Sa unang pagkakataon ako ay nananawagan na sana huwag din po nating kalimutan ang kanilang mga sakripisyo para sa seguridad ng ating bansa,” dagdag ni Train.

Sa hiwalay na panayam, sumang-ayon su SAF chief Police Major General Bernard Banac kay Train at sinabing nakaranas ang mga nakaligtas sa Mamasapano ng paglago sa kanilang mga karera.

“Maliban doon sa pag-alaala natin doon sa yumaong SAF 44, mayroon tayong kasamahang mga pulis na survivors. Nariyan lamang sila at patuloy at tahimik na naglilingkod sa ating mga komunidad,” aniya.

“Sa paglipas ng siyam na taon sila naman ay umangat na rin sa kanilang mga karera bilang pulis. Sila ay na-promote at umunlad din ang kanilang karera bilang pulis,” dagdag ng pulis.

Dumalo ang survivors sa seremonya para sa National Remembrance of the Heroic Sacrifice of the SAF 44 na isinagawa sa Philippine National Police Academy sa Cavite.

Nang tanungin kung nabigyang-hustisya na ang pagkasawi ng SAF 44, sinabi ni Banac na “triumphant” ang hustisya.

“Makikita natin na tagumpay ang hustisya rito at maging ang ating rule of law at batas. Nakita natin na tinatamasa natin ngayon, kapayapaan, kaayusan, kaunlaran sa buong bansa,” wika niya.

“Bahagi lamang sila, naging dahilan upang tayong lahat ngayon ay may tinatamasang kapayaapaan at kaayusan,” patuloy ni Banac.

Subalit, iginiit ni dating SAF chief Getulio Napeñas Jr. na hindi pa nabibigyan ng hustisya ang 44 SAF members.

“Not yet. Was there a case filed against those people who killed the 44? Until now, not yet,” tugon ni Napeñas nang tanungin kung sa palagay niya ay nakamtan na ng 44 SAF members ang hustisya.

“I would like to see now mafile-an ng kaso ‘yung mga pumatay, kasi pinatay nila, murder ‘yun, minasaker nila, may buhay pa pinapatay… Do you think justice has been served na hindi nafile-an ng kaso ‘yung mga ‘yun?” patuloy niya.

“Is it enough na nagkaroon ng peace process noon? You’ll be the judge,” ayon pa kay Napeñas. RNT/SA

Previous article3 most wanted, 8 pa nadakma sa Bulacan
Next articleFlood-affected families sa N. Samar inasistihan ng DSWD