Home NATIONWIDE Mga nakilahok sa transport strike ‘di parurusahan – Guadiz

Mga nakilahok sa transport strike ‘di parurusahan – Guadiz

MANILA, Philippines- Tiniyak ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairman Teofilo Guadiz III nitong Lunes na hindi magpapataw ng anumang parusa ang ahensya sa mga nakilahok sa transport strike.

“We are lenient, we recognize their right to air their grievances, to air their sentiments to the government,” wika ni Guadiz.

Subalit, ibang usapan na umano kung mang-harass ang mga nagpoprotestang driver at mga operator ng mga tsuper na hindi nakikilahok sa transport strike, base kay Guadiz.

Sinabi niya na may kapangyarihan ang LTFRB na suspendihin o kanselahin ang mga prangkisa ng drivers at operators na mangha-harass ng kapwa nila tsuper.

Kabilang umano sa offenses na ito, ayon kay Guadiz, ang pagpilit sa mga driver na makiisa sa kilos-protesta sa pamamagitan ng pamiminsala sa public utility vehicles o mga driver na hindi makikilahok sa strike.

Ani Guadiz, naiintindihan nila ang mga hinaing ng mga driver at operator.

Ito umano ang rason kung bakit nais ng LTFRB na makipagdayalogo sa kanila upang ipaliwanag ang Public Utility Vehicle Modernization program.

Hindi naparalisa ng unang araw ng transport strike ang public transport sa Metro Manila, ayon sa Metropolitan Manila Development Authorirty (MMDA), subalit sinabi ng ahensya na nasa 100 sasakyan ang itinalaga at nasa 2,600 stranded commuters ang naserbisyuhan.

Sinabi naman ng National Capital Region Police Office na mapayapa ang unang araw ng transport strike at walang naitalang untoward incident mula sa mga lugar kung saan ginanap ang kilos-protesta. RNT/SA

Previous articlePinas target gawing tech hub ni PBBM
Next articleProperty mula sa ‘Marcos crony’ ipinalilipat sa lumber workers